May fund raising ba ang Bureau of Fire Protection (BFP) para sa 2016?
Jerry Yap
October 23, 2015
Bulabugin
IMBES maging matindi ang kampanya para busisiin ang inspeksiyon sa mga establisyementong lumalabag sa Fire Code of the Philippines, matapos ang nakahihindik na pagkasunog ng mahigit sa 70 manggagawa ng Kentex, isang pabrika ng tsinelas sa Ugong, Valenzuela City, iba ang naging tunguhin ng ibang kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Hindi PROTEKSIYON kundi tila ‘FUND RAISING’ para sa 2016 elections ang niraratrat ng mga taga-BFP sa iba’t ibang establishments sa bansa.
Hindi lang 10 negosyante ang nagreklamo sa inyong lingkod tungkol sa talamak na ‘rekatan’ ngayon sa BFP.
Pero mas masama ang natuklasan ng isang negosyante… INEFFICIENT o PALPAK ang data base ng BFP!
What the fact!
Mantakin ninyong mayroong mga establisyemento na doble-doble ang Fire Safety Inspection Certificate (FSIC)?!
Bakit nadodoble?
Nasa era na tayo ng electronic world, pero ang data base ng BFP, kulelat pa rin?!
Ibig sabihin kung nadodoble ang FSIC ng mga establisyemento, posible rin na mayroong mga establisyemento na walang FSIC o kaya naman ay gawang-Recto lang?!
Posibleng-posible ‘yun ‘di ba?!
Take note, magkakaiba pa ang singil sa nadobleng FSIC, bukod pa sa kung ano-anong products and by-products ng fire extinguishers ang ipinabibili sa mga establisyemento na nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P5,000.
‘Yung iba naman inaalok ng P20,000 para sa buong set ng fire extinguishers.
SONABAGAN!
Mayroon bang quota para sa 2016 elections BFP chief, Director Ariel Barayuga?!
O baka naman kanya-kanyang fund raising rin ‘yang mga tao ninyo d’yan sa BFP?!
Director Barayuga, pakibusisi ang inyong database.
Dahil d’yan sa PALPAK na database ninyo kaya kabi-kabila ang raket ng mga taga-BFP.
Sana naman ‘e iilan lang ‘yang mga ganyang tao ninyo sa BFP, huwag naman sanang talamak na nangyayari ang ganyang sistema sa buong bansa.
Pwede bang aksyonan n’yo na ‘yan, now na, Direktor Barayuga?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com