Patay na ang kabayo bago dumating ang damo (Sistemang bulok ng DSWD)
Jerry Yap
October 22, 2015
Bulabugin
HINDI naman natin sinasabing mahihina o mapupurol ang utak ng mga gabinete ni Pangulong Noynoy, over naman ‘yun ‘di ba?
Ang gusto lang natin sabihin, parang tamad na silang mag-isip, lalo na kung pagresolba sa mga batayang problema ng bansa at kung paano epektibong maihahatid ang serbisyo publiko sa batayang masa lalo na sa panahon na sinasalanta ng kalamidad ang isang bayan at/o rehiyon.
Best example rito si Secretary Donkey ‘este Dinky Soliman at ang kanyang ahensiya, ang Department of Social Work and Development (DSWD).
Si Secretary Dinky, na kilalang matalino, matapang at mapamaraan sa larangan ng politika at pamomolitika (remember Hyatt 10) ay hindi natin makitaan ng inisyatiba na gawing epektibo ang pamamahagi ng tulong at relief goods sa mga sasalantahin o sinalanta na ng kalamidad.
Sa ibang bansa, bago pa man maganap ang isang kalamidad, naibakwet o nailipat na sa isang ligtas na lugar ang mga apektadong residente.
At doon mismo sa evacuation center, hindi magugutom o kakapusin ng tubig dahil nandoon na ang mga food supplies, may malinis at maayos na tulugan, may kasilyas at liguan at higit sa lahat mayroon medical center para tiyakin na masusubaybayan ang kalusugan ng mga evacuees at ligtas sa ano mang epidemya.
Ganoon kasimple.
Hindi sila nakikipagsabayan sa kalamidad lalo na kung bagyo ‘yan para makapaghatid ng serbisyo sa publiko.
Hindi rin nila hinihintay na masalanta muna ang mga mamamayan bago nila tulungan ang mga mamamayan.
Preemptive measures hindi baka-sakali para sa kaligtasan ng mamamayan.
Hindi ba pwedeng gawin dito sa bansa ang ganoong pamamaraan?!
May mga pagkakaton na maaga ngang nag-eebakwet ang mga residente pero ang problema nakanganga naman sila sa evacuation center.
Walang pagkain, walang tubig, walang tulugan (humiga kayo sa karton at sa sako) at higit sa lahat bahala kayong magkahawaan kung mayroong epidemya.
Kaya naman tuwing nananawagan ng evacuation ang mga awtoridad kapag may banta ng kalamidad, walang nagboboluntaryong lumikas, kasi ang iniisip nila lalo lang silang magmumukhang kawawa sa evacuation center at baka mahawa pa ng sakit.
Ibig pong sabihin, walang maramdamang pagkalinga ang mga mamamayan mula sa mga awtoridad sa ganitong panahon kaya naman hirap na hirap silang ipagkaloob ang tiwala sa pamahalaan.
Kung hindi tayo nagkakamali, sa lahat ng naging DSWD Secretary, bukod kay ex-president GMA, si Secretary Dinky ang may matinding karanasan sa integrasyon at immersion sa batayang masa. Remember beteranong NGO worker ‘yan with kapita-pitagang Secretary Ging Deles.
Kaya naman malaki talaga ang ating pagtataka at panghihinayang kung bakit hindi nakabuo ng FORMULA si Secretary Donkey ‘este’ Dinky at ang DSWD nang epektibong paghahatid ng tulong at serbisyo publiko sa panahon ng kalamidad (pre and post events).
Sayang Madam… sayang ang mga kaalaman at karanasan mo sa “integration and immersion with the masses.”
Next time ‘wag tutulog-tulog, kasi hindi ka naman si Madam Bola, ikaw ay si Madam Secretary Dinky ng DSWD.
Ay sus!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com