MULING tutulong ang Philippine Basketball Association sa mga naging biktima ng kalamidad.
Sa isang espesyal na pulong noong Lunes, nagdesisyon ang Board of Governors ng PBA na ang mga kikitain sa unang araw ng bagong season ng liga ay ibibigay nila sa mga nasalanta ng bagyong Lando sa Hilagang Luzon.
“Proceeds of our season opener will be donated to the victims of Lando,” wika ng tserman ng PBA board na si Robert Non.
“We in the PBA feel for our countrymen who have been affected by the storm. On this note I would like to encourage our basketball fans to come and watch our season opener on Wednesday. You will not just enjoy the games, you will also be helping our kababayans in need.”
Matatandaan na tumulong ang PBA sa mga nasalanta ng super bagyong Yolanda noong 2013.
Gagawin na mamaya sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ang opening ceremonies ng liga simula alas-4:15 ng hapon at susundan ito ng kaisa-isang larong paglalabanan ng Purefoods Star at Rain or Shine sa alas-siyete ng gabi.
Ayon sa pahayag ni PBA Commissioner Chito Narvasa, nagdesisyon ang liga na kanselahin ang pagbubukas ng Philippine Cup noong Linggo para sa kaligtasan ng lahat dahil nga sa bagyo na tumama rin sa Metro Manila.
“The safety of our people is our priority,” wika ni Narvasa.
Ayon naman kay PBA Deputy Commissioner Rickie Santos, ito ang unang beses sa apat na dekada ng PBA na kinansela ang pagbubukas ng season dahil sa masamang panahon.
Idinagdag ni PBA media bureau chief Willie Marcial na mas magiging simple ang opening ceremonies ng PBA mamaya dahil nga sa nangyaring kalamidad at nakikipag-usap pa ang liga sa TV5 tungkol sa pagiging takbo ng seremonya dahil depende ito sa iskedyul ng mga muses at ang mga magtatanghal sa opening tulad ng El Gamma Penumbra at Ogie Alcasid.
(James Ty III)