DAHIL sa bagyong Lando ay ipinagpaliban ang unang laro ng Barangay Ginebra San Miguel sa ilalim ng bagong head coach na si Tim Cone kontra Meralco na dapat sanang gawin ngayong araw sa PBA Philippine Cup.
Imbes ay ang dating koponan ni Cone na Purefoods Star ang unang haharap sa Gin Kings sa Linggo, Oktubre 25.
Matatandaan na dinala ni Cone ang dating San Mig Coffee sa Grand Slam ng PBA noong 2014 bago pumalpak ang Star sa huling PBA season kaya nalipat siya sa Ginebra habang si Jason Webb ang naging kapalit ni Cone sa paggabay sa Hotshots.
“We were ready for Meralco but now, we have to turn around and flip-flop a bit,” wika ni Cone. “We have a few days to get ready for Ginebra. But it doesn’t matter because both teams are very tough opponents.”
Unang nagharap sina Cone at Webb sa isang exhibition game kamakailan sa Cuneta Astrodome kasama ang mga dating manlalaro ng Ginebra at Alaska na isa pang koponang hinawakan ni Cone dati.
“We’re not going to define our season by our first game,” ani Cone. “We’re going all out to win it. There’s a funny feeling of going up against your ex-players but we’ll get over that after the first five minutes of the game.”
Samantala, sinabi ni PBA Commissioner Chito Narvasa na ang mga larong Barako Bull-Mahindra at Ginebra-Meralco na dapat sanang gawin ngayon ay ililipat sa bagong petsa na iaanunsiyo ng liga sa mga susunod pang araw.
Mananatili ang dating iskedyul ng mga laro na inilabas ng liga noong isang linggo. (James Ty III)