Dinastiya ng Oreta kaya bang putulin ni Jaye Lacson-Noel!?
Jerry Yap
October 17, 2015
Bulabugin
MUKHANG may hahamon na para wakasan ang dinastiya ng mga Oreta sa Malabon City.
Kung hindi tayo nagkakamali, ang mga Oreta ang isa sa mga pinagpala nang mapatalsik ang mga Marcos noong 1986.
Bago raw kasi ang panahon ni Marcos, ang mga Oreta ay isa sa may pinakamalaking construction firm sa bansa — ang AMO — as in Antolin M. Oreta & Co, Inc.
Noong 1946 pa ito itinatag. At matagal na panahon ding nakopo ang mga proyektong impraestruktura ng gobyerno.
Pero noong panahon ni Marcos, itinayo ang Construction Development Corporation of the Philippines (CDCP) sa ilalim ng Philippine National Construction Company (PNCC).
Eventually, nawalan ng proyekto ang AMO dahil umano sa panggigipit ng Marcos Regime kaya minabuti ng pamilya Oreta (Len, ang asawa ni Tessie Aquino Oreta na kapatid ni Ninoy at tiyahin ni PNoy) na manirahan muna sa Estados Unidos.
Nang bumagsak ang administrasyon ni Marcos at nailuklok si Cory bilang pangulo, nagbalik ang mga Oreta.
Pumasok sa politika ang pinsang si Peng Oreta at si Tessie Aquino Oreta.
Hanggang sumunod sina Tito Oreta at naisalin kay Lenlen (anak ni Len at Tessie) ang pamumuno sa Malabon.
Ngayon, mukhang naghahanda sa kanyang panibagong termino si Lenlen pero mukhang hindi na papayag si congresswoman Jaye Lacson-Noel na muling maisalin sa mga Oreta ang pamumuno sa Malabon kaya minabuti niyang maghain ng kandidatura para alkalde.
Ayon kay Cong. Jaye, “Isang Mapagkalingang Pamamahala” ang tunay na layunin ng kanyang kandidatura upang maipagkaloob sa mga mamamayan ng Malabon ang pamumunong bukas sa mata ng publiko.
Binigyang-diin din niya na ang Malabon ay para sa mga mamamayan at hindi sa iilang pamilya lamang at pamamahalang magbibigay nang tapat na paglilingkod ang mag-aangat ng pamumuhay ng mga tao.
Mukhang mabigat ang sagupaang ito sa Malabon.
Pero umaasa naman tayo na hindi ibu-bully ng mga Oreta si Cong. Jaye.
Sana’y isang malinis na eleksiyon ang matunghayan ng mga taga-Malabon sa 2016.
Let’s keep our fingers crossed.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com