Masasabi ba niyang nakalalamang ang mga kandidatong artista na tulad niya?
“Nakalalamang po kung popularidad ang pag-uusapan. Pero sa bandang huli, yung performance po talaga ang mahalaga para iboto at mahalin ka ng mga tao. Komporme na lang sa iyo kung paano mo iko-convert sa boto ang popularity mo. Pero hindi naman porke artista ka ay mananalo ka na.
“Noon, pagdating sa kampanya, ako ang pinagkakaguluhan dahil artista nga ako. Pero hindi pala roon nasusukat iyon. Kasi, tapos ng botohan, pang-lima lang ako e. Kaya nasabi ko na hindi porke artista ay iboboto ka nila. Kaya pinatunayan ko naman sa kanila, naglingkod ako ng tapat at buong puso. Kumbaga, iyong performance ang ipinakita ko. Kasi nalaman ko na performance rin talaga ang pinagbabasehan ng mga botante.
“So, talagang pinatunayan ko na hindi lang ako artista, kundi talagang sinipagan ko. May mga proyekto sa grassroots, sa barangay… pati sa legislative, talagang nagtrabaho naman ako,” esplika ni Yul.
Hindi ka masyadong tumatanggap ng projects ngayon sa showbiz dahil sa pagiging public servant mo, anong klaseng sakripisyo ito sa part mo?
“Hindi ko naman ito tinitignan bilang sakripisyo. Siyempre hinalal ako ng mga tao para maglingkod sa distrito ko kaya may responsibilidad ako na gawin ang lahat ng makakayanan ko para matulungan sila. Kahit na kapalit nito ay pagtanggi sa ilang proyekto na iniaalok sa akin sa showbiz.”
Sa ngayon ay nangunguna si Yul sa mga survey bilang congressman, ano ang kanyang reaksiyon dito?
“Natutuwa naman ako sa survey, pero ayaw kong maging kampante. Gagawin ko lang po kung ano ang nakagawian ko noon pa man, mag-iikot ako sa constituents ko. At kung ano man ang mangyari sa hinaharap ay tatanggapin ko ng buong puso. Ang mahalaga po sa akin ay lumaban ako ng malinis, parehas, at may respeto ako sa lahat, kahit na ano pong maging resulta ng election.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio