Chopsuey na chopsuey ang eleksiyon sa Pinas
Jerry Yap
October 15, 2015
Bulabugin
SA PAGHAHAIN pa lang ng certificate of candidacy (COC) kitang-kita na ang politika at eleksiyon sa ating bansang mahal ay parang putaheng Chopsuey.
Kung hindi man chopsuey ay parang pinakbet na lang!
Hanggang kahapon ay patuloy na nagdadagsaan ang iba’t ibang uri ng kandidato sa iba’t ibang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec).
Pero siyempre, ang inantabayanan nang marami, ang national office sa Intramuros, Maynila.
Mayroong naghain ng COC na sikat na sikat at llamadong-llamado sa labanan, mayroong mga trying hard and never heard, mayroong mga walang kadala-dala (‘yun bang paulit-ulit na tumatakbo pero paulit-ulit na natatalo kahit nakapartido pa sa ruling party), mayroong mga militanteng banderang kapos at iba pang mga jobless na gustong pagkakitaan ang puwestong masusungkit nila.
Unang-una sa mga naghaing presidentiable si VP Jejomar Binay at ang vice president niyang si Gringo Honasan.
Kasunod niyan ang kanyang senatoriable na si Ms. Alma “loveliness” Moreno na nangangarap na makatuntong sa mataas na kapulungan.
Wala naman masama kung mangarap ‘di ba?
Ang walang kadala-dalang si Ms. Risa Llamas ‘este mali’ Hontiveros na sa kalagitnaan ng pamamayagpag ng Liberal Party ‘e hindi nga nakalusot nakaraang 2010 election, ngayon pa kayang matatapos na ang termino ni PNoy?!
Si Cong. Roman Romulo y Shahani Soledad gusto rin maging Senador.
Si ex-Senator Kiko Pangilinan na bitbit pa ang misis na si Ate Shawie, kaya raw nananalo.
Naghain din sa Miguel Zubiri.
Si Mark Lapid na sinamahan pa ng erpat na si Lito Lapid, na dapat singilin ng taumbayan dahil sa dami ng ‘binutas’ na swivel chairs sa Senado!?
At ang mga never-heard at trying hard mula sa iba’t ibang propesyon pero hindi nagtagumpay ay nagtatangka ngayong maglublob sa ‘burak’ ng pamomolitika.
Tsk tsk tsk…
Sa dami ng mga naghain ng kanilang COC, dapat siguro ‘e gawin nang 48 ang bilang ng ating mga Senador.
Gaya nang dati, muli na naman silang ‘maglulubid ng buhangin’ sa kanilang hindi mabilang at paulit-ulit na pangakong ‘napapako.’
Ano kayang mayroon sa Senado at gustong-gusto nilang makakuha ng puwesto?!
Nanggaling na sila roon at alam naman nilang wala silang nagawa, tapos tuwing eleksiyon ay gustong balikan?!
Maawa naman kayo sa sambayanan!
Sa mga kababayan naman natin na hanggang ngayon ay nabibiktima pa ng mga politikong hidhid, mandarambong at puro bulsa lang nila ang iniintindi… lagi lang po nating alalahanin ang sinabi ni Heneral Luna — “Para kayong mga birhen na naniniwala sa pag-ibig ng isang puta!”
‘Yun lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com