PAGKATAPOS ng kanyang paglalaro sa Gilas Pilipinas sa katatapos na FIBA Asia Championships na ginanap sa Tsina, muling dadalhin ni Asi Taulava ang bandila ng Pilipinas sa isa pang kompetisyon ng FIBA.
Kahapon ay kinompirma ni coach Eric Altamirano na lalaro si Taulava sa Manila North Team na sasabak sa FIBA 3×3 World Tour Final na gagawin sa Abu Dhabi mula Oktubre 15 hanggang 16.
Papalitan ni Taulava si Vic Manuel ng Alaska na umatras sa huling sandali upang asikasuhin ang ilang mga personal na bagay.
Makakasama ni Taulava sa Manila North sina Calvin Abueva, Karl Dehesa at Troy Rosario.
“That’s one thing that has been working for them in the Manila Masters. Players in the 3×3 love to post up, but this group is composed of good post defenders like Asi,” wika ni Altamirano na dating coach ni Taulava sa Mobiline sa PBA.
Nakuha ng Manila North ang karapatang sumali sa FIBA 3×3 World Tour finals pagkatapos na pumangalawa ang koponan sa Manila Masters noong Agosto sa Robinson’s Place Manila.
Ilan sa mga koponang haharapin nina Taulava ay ang defending champion Novi Sad ng Serbia, Doha ng Qatar, Ljubljana and Kranj ng Slovenia at Kolobrzeg ng Poland.
“I’m just going to prepare them, but I won’t go, because ongoing pa yung UAAP,” ani Altamirano na head coach ng National University sa UAAP.
(James Ty III)