PAREHONG nagtagumpay ang magkapatid na koponang Kama Motors at Caida Tiles sa unang araw ng bagong ligang Pilipinas Commercial Basketball League noong Linggo sa Pasig Sports Center sa Pasig City.
Humabol ang Kama mula sa 20 puntos na kalamangan ng Sta. Lucia Realty upang maiposte ang 99-92 panalo sa overtime.
Nanguna sa panalo ng Kama si Roider Cabrera na gumawa ng 25 puntos, kasama ang kanyang limang tres at siyam na rebounds.
Nagdagdag si Rudy Lingganay ng 23 puntos, anim na rebounds at siyam na assists para sa mga bata ni coach Jing Ruiz.
Lumamang ang Realtors, 49-29, sa ikalawang quarter bago humabol ang Kama at naitabla ng huli ang laro sa 82-all sa pagtatapos ng regulation.
Tuluyang nakalayo ang Kama sa overtime dahil sa dalawang sunod na tres ni Jessie Saitanan.
Masakit na pagkatalo ito para sa SLR na nagbabalik-basketball sa pamamagitan ng PCBL pagkatapos na magpaalam ito sa PBA noong 2010.
Sa ikalawang laro, pinadapa ng Caida ang Foton, 90-81.
Ang Caida at Kama ay parehong pagmamay-ari ng Racal Group of Companies na may-ari rin ng Keramix sa PBA D League.
Magpapatuloy ang PCBL bukas sa Filoil Flying V Arena sa San Juan kung saan sisikapin ng Caida na makuha ang ikalawang sunod na panalo kontra Jumbo Plastic Linoleum sa alas-kuwatro ng hapon at maglalaban naman ang SLR at Supremo Lex Builders sa alas-sais ng gabi.
Ang PCBL ay itinatag ng team manager ng Realtors na si Buddy Encarnado na may layuning ibalik ang dating sigla ng commercial basketball na nawala sa eksena pagkatapos na magsara ang Philippine Basketball League.
Mapapanood ang mga laro ng PCBL sa Aksyon TV Channel 41 at handog ito ng Sports5. (James Ty III)