MAGSISIMULA na bukas ang mas mahirap na daan tungo sa kampeonato ng NCAA Season 91 men’s basketball.
Maghaharap ang magkaribal na San Beda at Letran sa tampok na laro ng doubleheader bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay sa alas-kuwatro ng hapon kung saan ang mananalo rito ay makukuha ang top seed sa Final Four.
Pero anuman ang mangyari, parehong may twice-to-beat advantage na ang Red Lions at Knights kaya masasabi natin na ito ay isang posibleng preview ng finals ng NCAA.
Nagtabla ang dalawang kolehiyo sa parehong kartang 13 panalo at limang talo pagkatapos na pabagsakin ng Letran ang Perpetual Help, 93-64, sa pagtatapos ng elimination round noong Biyernes.
Tabla sa tig-isang panalo ang dalawa sa elims kung saan nanalo ang Letran, 93-80, sa una nilang paghaharap at gumanti naman ang San Beda, 77-73, noon lang Martes.
“This is perhaps our most difficult campaign in the NCAA. So much balance and we had to go through a lot of struggles. Our experience will surely help us,” wika ni San Beda team manager Jude Roque pagkatapos ng huling panalo ng Red Lions kontra Knights.
Sa alas-dos ng hapon naman ay maglalaban ang Mapua Institute of Technology at Arellano University sa knockout game kung saan ang mananalo rito ay makukuha ang huling silya sa Final Four.
Nagtabla ang Cardinals at Chiefs kasama ang Jose Rizal University sa parehong 12-6 panalo-talo ngunit nakuha ng Heavy Bombers ang ikatlong puwesto dahil sa mas mataas na quotient.
Gagawin ang Final Four sa Biyernes sa MOA Arena pa rin kung saan maghaharap ang mananalo sa San Beda-Letran kontra sa mananalo sa Arellano-Mapua habang ang matatalo sa Knights-Lions ay maghaharap sa JRU.
(James Ty III)