NANINIWALA si Amir Khan na nasa 75 porsiyento na ang tsansa na magkaroon ng realisasyon ang magiging laban nila ni Manny Pacquiao.
Sinabi ng British boxer na nagkaroon na ng paunang pag-uusap ang kampo nila at grupo ng Pambansang Kamao.
“I think 75 percent,” pahayag ni Khan, na isa sa dumalo sa pagsigwada ng amateur world championships sa Qatar, na nauna nang dinaluhan ni Pacquiao nung nakaraang linggo.
Sa pulong ni Khan sa mga media, idiniin niya na, “were taking care of everything” regarding negotiations with Pacquiao.
Pero sa kasalukuyan ay priority ni Pacquiao ang rematch kay Floyd Mayweather. Ngunit ngayong tuluyan nang nagretiro sa ring ang huli, napakaliit na ng tsansa na magkaroon pa iyon ng kaganapan.
Para kay Pacquiao, sinabi niya na kahit sino kina Khan at Mayweather ang kanyang makaharap sa March o April, sigurado siyang iyon na ang magiging huling laban niya para magkonsentra naman sa kanyang political career. Nag-anunsiyo na tatakbo siya bilang senador sa darating na halalan sa 2016.
Ang pinal na desisyon kung sino ang makakaharap ni Pacquiao ay ihahayag sa Nobyembre o Disyembre.
Sa huling bahagi ng pakikipag-usap ni Khan sa media, inupakan niya si Mayweather. Kategorikal na inakusahan niya ang kampeon, “Floyd, in a way, chickened out; he didn’t give me the fight. [For] three years he was saying he was going to give me the fight but then he didn’t.
“Manny Pacquiao, after Floyd Mayweather, is the best fighter and I want to fight the best fighters.”
Ang Briton boxer na nanalo ng silver medal sa Olympic games ay mananatili sa Qatar hanggang Oktubre at may itinakda itong media work para sa BBC.