May pagbabago bang ihahatid ang deklarasyon ni Bongbong M?!
Jerry Yap
October 11, 2015
Bulabugin
Aminin natin sa hindi, patuloy mang tawaging anak ng diktador si Bongbong Marcos, malakas pa rin ang karisma ng kanilang pamilya sa masa.
Lalo na’t hindi naman talaga nagtagumpay ang mga sandamakmak na kilusang pagbabago para baliktarin ang tatsulok at ilagay ang masa sa tuktok.
Sabi nga ni John Lennon, let’s give peace a chance. Palagay natin ‘e may karapatan naman si
Bongbong na tubusin ang kanilang pangalan sa pamamagitan ng pagtakbo sa mataas na posisyon.
Pero hindi naman ito garantiya na maghahatid siya ng pagbabago sa lipunan. Kasi nga ganoon pa rin ang namamayaning sistema — bulok pa rin.
Naniniwala tayo na ang sino mang presidente kapag hindi tumangan sa tamang prinsipyo ng paglilingkod sa sambayanan ay paulit-ulit na magiging biktima ng iba’t ibang puwersang may kanya-kanyang interes sa loob ng isang administrasyon o rehimen.
Ang sistema ng ating lipunan ay malaon nang pinaiikot ng malalaking burgesya komprador at mga asendero na nagluwal ng mga bugok na salinlahi at sila nilang sinasanay para pumasok sa politika sa ating bansa.
Kaya huwag tayong magtaka kung bakit hindi umaahon sa bulok na sistema ang ating bansa.
Gusto lang nating ipunto, hindi tutubusin ng isang tao ang kamangmangan natin sa politika kaya patuloy tayong naghahalal ng mga bulok na politiko.
Hindi Marcos, hindi Aquino, hindi Roxas o kahit na isang Binay na walang bahid ng pagiging burgesya komprador o asendero ang magliligtas sa atin mula sa kabulukan sa ating bayan.
Sila ay PIGURA lamang.
Ang tunay na magliligtas sa atin sa kabulukan ay pagkakaisa para baguhin ang isang bulok na sistemang paulit-ulit na namamayani sa ating bansa.
At alam natin na ang pagbabagong ito ay hindi inihahatid ng isang eleksiyon at iisang tao lamang.
Huwag kalilimutan, tuwing eleksiyon, paulit-ulit nating naririnig ang pare-parehong apelyido pero pagkatapos ng elekisyon — ganoon at ganoon pa rin ang ating kinasasadlakan.
Sana, ang mga PIGURANG nabanggit natin sa itaas ay sabay-sabay na magkaroon ng diwang makabayan para kalabanin mismo ang kanilang sarili at interes ng lahing kanilang pinagmulan upang labanan ang mga lokal at dayuhang puwersa na tunay na kumokontrol sa ating lipunan.
Kayanin kaya ‘yan ng henerasyon ng mga spoiled brat?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com