MALAPIT na nga raw mag-BINGO o ma-BINGO si Vice President Jejomar Binay.
‘Yan ay matapos niyang ideklara na ang kanyang magiging vice presidente para sa 2016 elections ay si beteranong mangungudeta na si Gringo Honasan — isa ring liping Bicolano, gaya ng iba pang-vice presidentiable.
Kaya kapag pinagsama raw ang kanilang pangalan — BINAY plus GRINGO equals BINGO!
‘Yun lang hindi siya sigurado kung para saan ang BINGO?!
Mukhang may nalilimutan si VP Binay.
Ang pagko-coin ng mga salita para ibenta ang isang ideya o produkto ay nagiging epektibo kung walang bahid na ano mang negatibo.
Uulitin ko, hindi natin pinagdududahan ang kapasidad ni Binay bilang isang lider. Marami na siyang pruweba tungkol diyan.
Pero ang pinag-aalinlanganan natin, ang kahinaan ng kampo ni Binay na ipagtanggol siya sa isyu ng korupsiyon.
Gaya ni Manny Villar, dinaluyong din ng isyung korupsiyon sa C-5, sa ganito rin isinasangkot ang pamilya Binay pero hindi nila ito matikas na naipagtanggol.
Huwag kalilimutan na naitumba nang ganoong klase ng operasyon si Villar pero hanggang natapos ang eleksiyon at ang termino ng ‘yumari’ sa kanya, walang kasong isinampa laban kay Villar.
Ang mga Binay ay sinampahan ng kaso sa Ombudsman kaugnay ng mga bintang na korupsiyon sa kanilang teritoryo.
Nitong nakaraang linggo lang, nagdesisyon ang Ombudsman na sibakin sa puwesto si Mayor Junjun at pinagbawalang tumakbo sa alin pa mang public office. Pero hindi pa ito pinal at pwede pang iapela.
Iisa ang malinaw, tuloy ang laban ni Binay… hindi lang natin tiyak kung kanya ang tagumpay…
BINGO na nga ba, VP Binay?!