Sino ang dapat maging bagong pangulo ng bansa?
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
October 9, 2015
Opinion
NALAGASAN ng isang maituturing na higante sa larangan ng politika at pamunuan ang ating bayan sa pagkamatay ni dating Senador Joker Arroyo. Nakalulungkot kasi mayorya sa mga may tangan ng poder ngayon ay mga ordinaryo lamang (mediocre) at walang pangarap (vision) na matino at malalim para sa bayan hindi katulad ng namayapa na senador.
Ang kabayanihan ni Senador Arroyo, lalo na sa panahon ng pakikibaka laban sa diktadura, ay halimbawa para sa mga henerasyon na darating. Harinawa, ang mga punla na naitanim ng mabunying senador, lalo na sa panahon ng kanyang pagiging isang “human rights lawyer,” ay mayabong na magbunga upang makaahon naman ang bayan sa kinasasadlakan nito na putikan.
Muli nakikiramay po ang inyong lingkod sa pamilya at mga nagmamahal sa namayapa na lider ng bayan.
* * *
Naitanong ko sa espasyo na ito noon Oktubre 2, kung may pagpipilian pa ba tayo na iba sa mga nagpahayag ng kagustuhan na palitan si Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa darating na eleksyon. Dangan kasi ay mukhang mas marami ang dahilan na sila ay huwag iboto kaysa sa mga dahilan para iluklok sila sa poder ng taong bayan. May nagtanong tuloy sa akin, “sino ba ang manok mo?
Ang totoo ay wala akong “manok” pero mayroon akong naisip na mga katangian na sana ay dala ng papalit kay BS Aquino sa Malacanang. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
-
Hindi dapat ahente ng banyagang puwersa o di kaya’y tagasulong ng neo-liberalismo at tagapagpatupad ng mga programa na magdadala ng labis na kahirapan sa bayan tulad ng “austerity,” “privatization,” at pagalis ng suporta ng pamahalaan sa mga ospital at paaralang bayan, etc…;
-
Hindi dapat kwestyunable ang katapatan sa republika at pagiging mamamayan Filipino, may karanasan sa pamamalakad at hindi sinungaling;
-
Hindi corrupt at pyudal sa mga pananaw sa buhay, hindi magnanakaw sa kaban ng bayan, hindi mapagtanim ng galit at asal sanggano o kaya ay palengkera sa pakikitungo;
-
Hindi “human rights violator” o may tendensiya na maging diktador, hindi dapat mataas ang pagtingin sa sarili na tipong para sa kanya ay hindi siya nagkakamali;
-
Hindi na mag o-on the job training (OJT) pa sa Malacanang dahil walang alam at malinaw na programa sa pamamalakad at tunguhin para sa bansa;
-
Hangga’t maari ay hindi artista o aktibong sangkot sa mga palakasan;
-
Hindi dapat “malaki ang tenga” o yung laging nakikinig sa mga sulsol;
Kung may palagay kayo na may kandidato ngayon na ganito ang mga katangian ay malamang na siya ang manok ko.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.