Bistek Senador o Mayor?!
Jerry Yap
October 9, 2015
Opinion
MEDYO nag-iisip daw si Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista kung senador o mayor ang kanyang tatakbuhan para sa 2016 elections.
Nililigawan daw yata ng Malacañang si Bistek para maisama siya sa walong pangalan para sa Liberal Party senatorial slate.
Kaya lang, mayroon pang isang term si Bistek bilang mayor ng Kyusi.
Kaya mabigat na desisyon para sa kanya kung alin ang pipiliin niya — Kyusi o Senado.
Anyway, masuwerte na rin si Bistek ‘yung ibang politiko nga walang option, kasi kahit gustuhin nila ayaw naman sa kanila ng constituents nila…
Sakali raw makapadesisyon si Bistek na tumakbong Senador, e mapupursige rin si Vice Mayor Joy Belmonte na tumakbong mayor.
Okey namang magpahayag ng kani-kanilang opinyon ang mga politiko. Pero ang napuna lang natin sa eleksiyong ito, parang nawalan na ng delicadeza at respeto sa partido ang mga politiko.
‘Yun bang tipong hindi na naghihintay ng endorsement ng partidong kinabibilangan nila, bigla na lang pumoposisyon at nagsasalita kung ano ang tatakbuhan nila kahit hindi pa dumaraan sa wastong proseso.
Gaya nga ng pahayag na ‘yan ni VM Joy B.
Hindi ba pwedeng political party ang mag-announce kung ano man ang mga political plan nila?!
Mukhang hindi aral sa batas ng organisasyon ang bagong henerasyon ng mga politiko.
‘Yan din siguro ang isang dahilan kung bakit magulo ang politika sa bansa. Marami nang politiko ang hindi na maituturing na organiko.
Kanya-kanyang desisyon at diskarte sila at hindi sumusunod sa disiplina ng partido.
Anyway, ano man ang maging desisyon ni Bistek para sa 2016 elections, sana lang ay malinaw na may basbas ng partido at dumaan sa tamang deliberasyon at proseso.
O ‘di ba naman?!
Debate ‘Litmus’ Test sa mga politiko para ‘di mabiktima ng propaganda ang mga botante
SANG-AYON tayo sa mungkahi ni dating Senador Dick Gordon sa Commission on Elections (Comelec) na dapat silang mag-organisa ng regional debates para makilala ng constituents ang mga kandidato.
Sa ganoong paraan nga naman ay matatasa ng mga tao ang kakayahan ng isang politiko.
Kumbaga hindi sa propaganda makokombinsi kundi sa kakayahan.
Kunsabagay, mayroon din namang ‘lip service’ lang pero pagdating sa aktuwal, ‘wala-wala’ lang.
Pero mas maigi na rin naman ‘yung may showing ng galing hindi ‘yung puro bola at gimik lang…
Pabor na pabor tayo sa debate ng national candidates…
Umpisahan na ‘yan!
OTS sa NAIA dapat na nga bang lusawin?
“TO protect the airport and country from any threatening events, to reassure the travelling public that they are safe and secured.”
‘Yan daw ang tungkulin ng Office of Transportation Service (OTS).
‘Yan din siguro ang dahilan kung bakit tila inabuso ng ilang mga tiwaling opisyal.
At dahil diyan, marami umanong government officials and employees na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals ang humihiling sa Office of Transportation (OTS) na nakatalaga sa X-ray, friskers at bag inspectors na dapat silang isailalim sa airport authority.
“Kailangan may kinatatakutan sila (OTS) because if they committed mistakes, their own officials will investigate their own people and what do we expect,” anang mga mamamahayag.
Nilinaw ng General Manager ng MIAA na ang screening inspectors na namamahala sa security screening checkpoints sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals ay nasa ilalim ng direktang pamamahala ng Office for Transportation Security (OTS).
“Ang screening inspectors na magkakamali sa NAIA ay direktang mananagot sa OTS hindi sa MIAA. O kaya ay sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na kinikilala ng International Civil Aviation Organization (ICAO).
Magugunitang ang OTS ay nilikha sa pamamagitan ng Executive Order #277 noong Enero 30, 2004 sa ilalim ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na nilagdaan ni dating-president Gloria Macapagal Arroyo on April 26, 2004 sa Executive Order 311s.
Lumitaw ang pagbusisi sa OTS staff na nasa NAIA matapos ang sunod-sunod na pagkaka-aresto sa mga pasahero dahil sa mga balang natatagpuan umano sa loob ng kanilang bagahe.
Tsk tsk tsk…
Kailangan talaga ng masusing imbestigas-yon dito.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com