INAMIN ng pambato ng Ateneo de Manila women’s volleyball team na si Alyssa Valdez na karapat-dapat na manalo ang National University sa Game 3 ng finals ng Shakey’s V League Season 12 Collegiate Conference noong Linggo sa San Juan Arena.
Kahit nagtala ang Lady Eagles ng sampung sunod na panalo mula sa eliminations hanggang sa quarterfinals ay natalo pa rin sila kontra Lady Bulldogs, 25-21, 26-24, 25-19.
Natalo rin ang Ateneo sa Game 2 ng semis ng torneo kontra University of Santo Tomas.
“This is really an early wake up call sana for the team, na anything can happen. Anything can happen in just a snap of the fingers,” wika ni Valdez. “Congratulations to NU. I think they really gave us a good fight today. They played super perfect volleyball in today’s game.”
Idinagdag ni Valdez na ang sobrang daming pagkakamali ng Lady Eagles ang naging malaking dahilan ng kanilang pagkatalo.
”We are really lacking a lot of things. I think blocking, service, defense pa, offense lahat. Basically, sabi nga a little bit of everything wala kami,” ani Valdez.
Idinagdag ni Valdez na malaking leksyon ito para sa Ateneo na sisikaping idepensa ang titulo sa UAAP women’s volleyball na magsisimula sa Pebrero ng susunod na taon.
Samantala, balik-aksyon ang Shakey’s V League simula sa Sabado, Oktubre 10, sa pagsisimula ng third conference kung saan kasali rito ang mga commercial teams tulad ng Cagayan Valley, PLDT, Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Magkakaroon ng tig-isang import ang mga koponan.
Sasabay ang V League sa Philippine Super Liga Grand Prix na magsisimula rin sa Sabado sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna. (James Ty III)