NANINIWALA ang basketball analyst na si Jude Roque na dadaan sa butas ng karayom ang Gilas Pilipinas sa isa sa tatlong qualifying tournaments para sa tatlong huling puwesto sa 2016 Rio Olympics.
Sa panayam ng DZMM noong isang araw, sinabi ni Roque na makakaharap ng mga bata ni coach Tab Baldwin sa mga malalakas na bansa sa basketball sa nasabing Olympic qualifiers na gagawin mula Hulyo 4 hanggang 10 sa susunod na taon.
Ang men’s basketball ng Rio Olympics ay gagawin mula Agosto 5 hanggang 21, 2016.
“It will be very difficult for us to hurdle the Olympic qualifiers kasi makakaharap namin ang iba pang mga strong teams all over the world,” wika ni Roque. “And only three slots are at stake.”
Matatandaan na nadiskaril ang tsansa ng Gilas na makuha ang nag-iisang puwesto para sa Asya sa Olympics pagkatapos na durugin sila ng mga Intsik, 78-67, sa finals ng FIBA Asia Championships noong Sabado ng gabi sa Changsha.
Nalimitahan si Andray Blatche sa 17 puntos at limang rebounds habang walong puntos at isang assist lang ang ginawa ni Jayson Castro.
Bukod pa rito, anim na tres lang ang naipasok ng Gilas kumpara sa siyam ng mga Intsik.
“We couldn’t get the calls. It was tough playing on their territory,” dagdag ni Roque. “And those distractions like the delayed charging of the team bus and lack of tickets for our delegation, isa pang bagay against us.”
Kahit natalo ang Gilas ay kasama pa rin si Castro sa FIBA Asia Mythical Five bukod kina Yi, Guo, Zhou at Samad Nikkah Bahrami ng Iran na tumapos bilang pangatlo sa torneo pagkatapos na talunin nito ang Japan, 68-63.
Si Yi ang napili bilang MVP.
Bukod sa Gilas, kasama rin sa Asian Olympic qualifying ang Iran at Japan at makakasama nila ang iba pang mga qualifiers tulad ng France, Serbia, Greece, Italy, Czech Republic, Angola, Tunisia, Senegal, Canada, Mexico, Puerto Rico at New Zealand.
Naunang kasali sa Olympics ang FIBA World Cup champion na Estados Unidos, ang host country na Brazil, Nigeria, Venezuela, Argentina, Espanya, Lithuania at Australia.
(James Ty III)