Birthday ng solon o big night sa beer house?
Robert B. Roque, Jr.
October 6, 2015
Opinion
ANG inaasahang pangkaraniwang panunumpa ng mga bagong opisyal ng Liberal Party (LP) sa Laguna, na sinundan ng pagdiriwang ng kaarawan ni Laguna 4th District Representative Benjie Agarao, ay nagdulot ng pagkabigla sa marami.
Ito ay nang lumabas sa entablado ang tatlong babaing miyembro ng “Playgirls” na pawang bulgar ang kasuotan at gumigiling sa pagsayaw.
Lalong nagulat ang lahat nang sabihin ng emcee na ang Playgirls ay regalo raw kay Agarao ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
Itinanggi ito ni Tolentino, na tatakbo para senador sa ilalim ng LP at naroon sa pagtitipon. Panauhin lang daw siya sa kaarawan ni Agarao.
Tahasan din kinondena ni Senate President Franklin Drilon, bise presidente ng LP, ang naganap. Hindi raw katanggap-tanggap sa mga kasapi ng LP ang paggamit ng malalaswang gimik na tulad nito.
Ikinatutuwa natin na moderno man ang panahon ay may mga nananatiling konserbatibo, pero hindi ba natural para sa mga mambabatas na manindigan sa moralidad lalo na’t maghahalalan?
Naroon din ang LP standard-bearer na si Mar Roxas na hindi raw nakita ang sayaw ng Playgirls, dahil nasa ibang bahagi siya ng compound nang mga sandaling iyon.
May nag-ulat sa Facebook post na may petsang Abril 11, 2013 na nagpapasalamat ang Playgirls sa pagkuha raw sa kanila ni Tolentino para sumayaw sa kampanya ng kapatid nito, si dating Tagaytay City mayor at ngayon ay Cavite 7th District Representative Abraham Tolentino.
Sa isa pang Facebook post noong Mayo 14, 2013 ay inilista at binati ng Playgirls ang mga politiko na kanila umanong ikinampanya at nanalo, kabilang ang ilang taga-LP tulad ni Tolentino.
Ito ay sina Mayor Cecilio Hernandez ng Rodriguez, Rizal; Mayor Cipriano Violago at Vice Mayor Edison Veneracion ng San Rafael, Bulacan.
Nag-post din sa Facebook ang manager ng Playgirls na ang mga kumampanya noong 2013 ay dating “batch” ng grupo. Bagong mga miyembro umano ang nagsayaw para kay Agarao at hindi kilala ni Chairman Tolentino.
Ganoon pa man, akala ko ba ay hindi kinukunsinti ng LP ang mga nagtatanghal na tulad ng Playgirls? Nakasaya kaya sila nang magsayaw para sa naturang mga kandidato noong 2013 kaya walang pumalag?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.