DUMATING na kahapon ng tanghali ang Gilas Pilipinas mula sa kampanya nito sa katatapos ng FIBA Asia Championships sa Tsina kung saan natalo ang tropa ni coach Tab Baldwin sa finals kontra sa mga Intsik noong Sabado ng gabi.
Dapat sana ay noong Linggo ang pagdating ng Gilas ngunit nagkaroon ng aberya ang return flight ng koponan dahil sa masamang panahon sa Hong Kong dulot ng bagyong Kabayan na unang tumama sa Central Luzon at Metro Manila.
Sa panayam ng mga manunulat sa NAIA Terminal 1, sinabi ni Baldwin na nais ng kanyang tropa na sumali sa FIBA Olympic qualifying tournament sa Hulyo ng susunod na taon ngunit kailangan munang pag-usapan ito sa pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Manny V. Pangilinan.
“Joining the Olympic qualifying tournament will strengthen the bond within the team,” ayon kay Baldwin sa panayam ng DZMM.
Naunang sinabi ni Pangilinan sa panayam ng www.interaksyon.com/aktv na kung siya ang masusunod, hindi na dapat sumali ang Gilas sa wildcard tournament ng FIBA para sa 2016 Rio Olympics at imbes ay magplano na lang para sa mga susunod na torneo.
“My view is that, I’m not saying we will get chosen for the wild card, but frankly my view is that we should opt out of it,” wika ni Pangilinan. “And plan further ahead towards 2017 when the pre-qualification games are started to get played for the 2019 World Cup. We should prepare better for that.”
Nakuha ng Gilas ang karapatang sumali sa Olympic qualifying tournament para sa tatlong wildcard na puwesto sa Rio Olympics kasama ang Iran at Japan.
(James Ty III)