Budget Secretary Butch Abad kaimbe-imbestiga ayon sa Ombudsman
Jerry Yap
October 4, 2015
Opinion
MALINAW ang sinabi ni Ombudsman chief Conchita Carpio-Morales.
Mayroong sapat na basehan para isalang sa preliminary investigation si Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad at Undersecretary Mario Relampagos.
Pero inilinaw na walang ano mang pananagutang kriminal si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa implementasyo ng Disbursement Accelaration Program (DAP).
Matatandaan na ilang bahagi ng DAP ang idineklarang ‘unconstitutional’ ng Supreme Court noong 2014.
Pero pagkatapos ng sinasabing fact-finding ng Ombudsman ang charges umano laban sa Pangulo ay hindi impeachable offense kaya kinakailangang i-dismissed agad.
Habang sina Abad at Relampagos ay sinasabing pananagutin sa technical malversation of public funds.
Ito umano ay kaugnay ng paggamit sa P31.9 bilyon DAP mula 2011 hanggang 2012.
Sa ilalim ng Article 220 ng Revised Penal Code, ang technical malversation ay paggastos ng pondo ng bayan na lihis sa itinatakda nito sa batas.
Ang national budget ng ating bansa ay inihahanay at iminumungkahi ng bawat departamento at ahensiya ng pamahalaan. Pinagpapasyahan at inaaprubahan ito ng mga Mambabatas sa Mababa at Mataas na Kapulungan saka idodokumento sa General Appropriations Act (GAA).
Ibig sabihin, kung mayroong pagbabagong magaganap sa paggamit ng pondo, dapat rin itong dumaan sa wastong proseso.
Pero tila may ibang motibong nakikita ang Ombudsman sa lihis na paggamit ng pondo ng DBM.
Nakapagtataka na sa P31.9-bilyon DAP funds, P250 milyon asy ini-release sa House of Representatives para sa konstruksiyon ng legislative library at archive building/congressional e-library na hindi naman kasama sa naunang inaprubahan ng Pangulo.
Habang ang P143.7 milyon naman ang ini-release sa COA para naman umano sa Information Technology infrastructure program at para umano sa karagdagang
litigation experts na inaprubahan sa ilalim ng Special Allotment Release Order (SARO).
Si Abad ang naghahanda at lumalagda sa lahat ng memoranda at iba pang inilalabas na dokumento kaugnay sa pagpapatupad ng DAP habang si Relampagos naman ang lumalagda sa SARO para sa COA at sa House.
Ang isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman ay batay sa magkakahiwalay na reklamo nina Iloilo congressman Augusto Syjuco Jr., Greco Belgica and Kabataan party-list Rep. Terry Ridon.
Nauna nang pinag-aralan ng Ombudsman ang sinasabing hindi tamang paggamit ng P900 milyon sa Malampaya funds na inilihis sa Department of Agrarian Reform (DAR) noong Arroyo administration na nagwakas sa mga na bogus non-government organizations ni pork barrel scam mastermind Janet Lim-Napoles.
Tatlong senador na ang nakakulong dahil sa pagkakasangkot sa maling paggamit ng pork barrel. Sina senators Jinggoy Ejercito, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile.
Nakakulong din ang chief of staff ni Enrile na si Gigi Reyes dahil din sa nasabing kaso.
Si Enrile ay kasalukuyang nakalalaya sa bias ng piyansa bilang konsiderasyon sa kanyang katandaan.
Sana ay sapat nang bigyan ng konsiderasyon si Enrile na makapagpiyansa dahil sa katandaan pero suspendihin muna ang kanyang paglalamyerda sa loob ng Senado.
Marami ang naniniwala na ang pagpapakulong sa mga dating presidente sa asuntong Plunder ang inaaresto ng Aquino camp kaya hangga’t maaga ay ‘nililinis’ nila sa pamamagitan nang ganitong mga imbestigasyon ang hinalang mas malala ang pandarambong sa kasalukuyang administrasyon.
Pero naniniwala tayo na hindi lang ang pagpapakulong sa mga naging presidente ang magwawakas sa pandarambong sa pondo ng bayan.
Mas naniniwala tayo bilang isang mamamahayag na dapat ipasa ng mga mambabatas ang Freedom of Information (FOI) Bill dahil ito ang batas na magwawakas sa pang-aabuso ng mga magnanakaw at gahaman sa kuwarta at kapangyarihan na nakapuwesto sa pamahalaan.
Apat na Pulis–Maynila dapat imbestigahan sa ginawang pagsugod sa San Juan Police Station
NAKAGUGULAT ang ginawang pagsugod ng mga kagawad ng pulis-Maynila sa San Juan police station para agawin ang nahuling dalawang miyembro ng sindikato ng illegal na droga.
Magugunitang nitong Martes, ang anti-drug unit ng San Juan police, sa pamumuno ni Chief Inspector Hoover Pascual, ay inaresto ang isang Leah Sarip, 32, at Norie Mohammad, 35, sa isang buy-bust operation sa isang parking lot ng food chain sa N. Domingo St., dakong 7 p.m.
Nang dalhin sina Sarip at Mohammad sa Station Anti-Illegal Drugs office, isang team ng mga pulis mula Manila Police District (Station 3 na kinabibilangan nina Chief Inspector John Guiagui, SPO2 Rosendo Ascano, SPO1 Herbert Salazar, at PO3 Rodolfo Mayo), na nakasibilyan lahat ay dumating at sinabing ang dalawa ay target ng kanilang operasyon.
Siyempre nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawang grupo.
Bakit nga naman nakikialam ang mga pulis-Maynila gayong sa area of jurisdiction ng mga pulis-San Juan naganap ang pag-aresto.
At dahil sila ang nakaaresto, normal lang na sa kustodiya nila mamalagi ang dalawang suspek hangga’t hindi nasasampahan ng kaso.
Alam nating mayroong salto pero nilinaw ni Eastern Police District director Senior Superintendent Elmer Jamias na ang insidente ay bunga ng miscommunication at maiaayos umano ito bago pa man lumala.
Mabait pa nga si Kernel Jamias dahil pinawalan pa niya ang mga pulis-Maynila kung tutuusin ‘e talaga namang nakapagtataka kung bakit nilang manghimasok sa teritoryo nang may teritoryo.
Maliban na lang kung mayroong nakapag-TIP sa dalawa na ilabas ang transaksiyon sa Maynila at dalhin sa San Juan dahil mainit na sila sa mata ng MPD.
Tsk tsk tsk…
Mukhang may naamoy tayong malansa sa operation na ito… palagay natin ‘e may kailangan pang halukayin sa insidenteng ito.
Aabangan natin natin ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com