UMALIS na kahapon ang Rain or Shine patungong Gitnang Silangan para sa ilang mga tune-up na laro bilang paghahanda para sa bagong PBA season na magsisimula sa susunod na buwan.
Haharapin ng Elasto Painters ang ilang mga club teams sa Kuwait at Bahrain.
Isa sa mga koponan na lalaban sa ROS ay ang Nuwaidrat na dating hinawakan ng assistant coach ng Painters na si Mike Buendia.
Bago ang kanilang pag-alis ay tinalo ng Rain or Shine ang Mahindra, 102-91, sa isang tune-up na laro noong Martes.
“At least nakita namin yung mga bagay na kailangan naming i-adjust. May mga minor lapses pa na nangyayari, but it’s a good tuneup game for us against Mahindra,” wika ni Painters assistant coach Caloy Garcia. “Ang utos naman ni coach (Yeng Guiao) sa amin is to run certain plays at papanoorin na lang nya sa video. Dun na lang namin titignan kung saan kami maga-adjust.”
Kagagaling lang ng Painters sa ilang mga tune-up na laro sa Australia noong isang buwan.
Makakasama sa biyahe ng koponan sina Paul Lee, Jeff Chan, Beau Belga, JR Quinahan, Chris Tiu at ang mga bagong dagdag na sina Maverick Ahanmisi, Don Trollano at Jewel Ponferrada.
Babalik si Gabe Norwood sa Painters pagkatapos ng kampanya niya sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Championships.
(James Ty III)