Maituturing na tagumpay ang pelikulang Heneral Luna sa panahon na ang kinahihiligan ng mga manonood ay mga pelikulang dayuhan habang sa lokal naman kundi romance ay action film na ang bida ay mga kriminal.
Sa pagkakataong ito, gusto natin paniwalaan na tumaas na ang kalibre at panlasa ng mga manonood na Filipino kasabay nang mahusay na naiaangkop ng manunulat at direktor ang lengguwahe ng pelikula sa dila ng masa.
Hindi gaya noong araw, na mga true-to-life story ng mga kriminal ang dinudumog ng mga tao sa sinehan, ngayon ay ibang level na tayo.
Kung dati ay breakeven lamang ang kinikita nang ganitong klaseng pelikula, ngayon ay nakagugulat na umakyat na sa P100 milyon, ayon sa huling ulat.
Sa Estados Unidos at ibang bansa, mataas ang pagpapahalaga ng mga manonood kapag buhay ng isang bayani ang isinasalin sa puting telon. Talagang pinaglalaanan ng oras at budget para mapanood nila.
Sana ay abutin din ng mga Pinoy ang ganitong antas ng pagkamulat at pang-unawa sa ating kasaysayan. Dahil sa ganitro mag-uumpisa ang pag-kabuhay ng nasyonalismo sa hanay ng ating mga kabataan.
Sana’y huwag magsawa ang mga manunulat, director at movie producers nang ganitong klaseng mga pelikula na gumawa nang gumawa ng maka-buluhang palabas na gaya nito.
Sa mga hindi pa nakapapanood, panoorin po ninyo ang HENERAL LUNA sa sinehan hangga’t showing pa, huwag sa pirated DVD.