Harassment laban sa Bulabugin ibinasura ng korte
Jerry Yap
September 29, 2015
Opinion
DAHIL malinaw na harassment lang naman ang layunin ng nagsampa ng kasong libelo laban sa inyong lingkod, hayun nakita ng hukuman na labag sa hurisdiksiyon ng batas ang asunto kaya agad itong ibinasura.
Sa simula’t simula pa lamang ay hindi naman dapat sumampa ang nasabing asunto dahil bukod sa maling hurisdiksiyon ay wala naman sa isinulat nating artikulo ang pangalan ng umasunto sa atin.
Kung na-overlook man ito ng mga awtoridad na naunang pinagdaanan ng kasong ito, gusto nating ipaalala sa kanila na dapat ay maging metikuluso rin sila sa pagganap sa kanilang tungkulin.
May kasabihan na justice delayed is justice denied.
Paano kung sa isang mamamahayag na kailangan munang mangutang para makapagpiyansa at kailangan isakripisyo ang panggastos ng pamilya para lamang makakuha ng abogado ang nakaranas nang ganitong pandarahas?!
O kaya naman, inaresto na ang mamamahayag pero walang pampiyansa, tiyak himas-rehas na at malamang abutin ng pinakamababang 10 araw bago siya makalabas.
At ‘yan po ang ultimong dahilan kung bakit pinagtitiyagaang patulan ng inyong lingkod ang very sensitive na police official na umasunto sa atin.
(Hindi natin alam kung very sensitive lang siya talaga o baka naman inaako o feeling niya, siya lagi ang ikinokolum natin?!)
Kailangan po naming gawin ito, upang hindi pamarisan ng mga abusado ang estilo ng complainant natin.
Anyway, nagpapasalamat po tayo sa Diyos at sa Huwes sa paggulong ng katarungan sa asuntong ito.
Noong una po ay panay pa raw ang kantiyaw nitong umasunto sa atin at nagpo-post pa sa kanyang facebook na magpalit na raw kami ng abogado dahil lagi kaming talo.
Ang sagot natin diyan, hindi ko po kayang magpalit nga abogado… can’t afford tayong magbasura ng mga abogado nating ginagawa ang kanilang full effort para maipanalo ang kaso.
Dapat siguro ikaw na ang magpalit ng abogado dahil kayang-kaya mo naman ‘atang magbayad.
Nakailang palit ka na nga ba ng abogado, pare ko?!
Uulitin ko lang po, ginagawa natin ito upang huwag nang maulit ang ganitong harassment sa iba pa nating mga katoto.
And to quote Edmund Burke: The only thing necessary for the triumph of evil is for good men to do nothing.
ALAM mo na!!!
Heneral Luna patok na patok sa pinoy viewers
Maituturing na tagumpay ang pelikulang Heneral Luna sa panahon na ang kinahihiligan ng mga manonood ay mga pelikulang dayuhan habang sa lokal naman kundi romance ay action film na ang bida ay mga kriminal.
Sa pagkakataong ito, gusto natin paniwalaan na tumaas na ang kalibre at panlasa ng mga manonood na Filipino kasabay nang mahusay na naiaangkop ng manunulat at direktor ang lengguwahe ng pelikula sa dila ng masa.
Hindi gaya noong araw, na mga true-to-life story ng mga kriminal ang dinudumog ng mga tao sa sinehan, ngayon ay ibang level na tayo.
Kung dati ay breakeven lamang ang kinikita nang ganitong klaseng pelikula, ngayon ay nakagugulat na umakyat na sa P100 milyon, ayon sa huling ulat.
Sa Estados Unidos at ibang bansa, mataas ang pagpapahalaga ng mga manonood kapag buhay ng isang bayani ang isinasalin sa puting telon. Talagang pinaglalaanan ng oras at budget para mapanood nila.
Sana ay abutin din ng mga Pinoy ang ganitong antas ng pagkamulat at pang-unawa sa ating kasaysayan. Dahil sa ganitro mag-uumpisa ang pag-kabuhay ng nasyonalismo sa hanay ng ating mga kabataan.
Sana’y huwag magsawa ang mga manunulat, director at movie producers nang ganitong klaseng mga pelikula na gumawa nang gumawa ng maka-buluhang palabas na gaya nito.
Sa mga hindi pa nakapapanood, panoorin po ninyo ang HENERAL LUNA sa sinehan hangga’t showing pa, huwag sa pirated DVD.
Isa pang libel ng Bulabugin pinaniniwalaang maibabasura rin
Isa pa pong libel case ang hinaharap pa natin. Ito po ay tungkol sa talamak na droga sa Don Bosco, Tondo, Maynila.
Naniniwala rin ang inyong lingkod na muli itong maibabasura.
Ang talamak na bentahan ng droga sa Don Bosco nang isulat natin ay naitanong lang natin at nabanggit ang pangalan ng isang opisyal ng MPD sa ating kolum.
Aba kamukat-mukat ninyong biglang nagsampa ng asuntong libel?!
Sinisiraan daw siya!?
What the fact!?
Halatang-halata na minadali ang paglalabas ng warrant nito noong Lunes Santo at hindi dumaan sa standard operating procedure (SOP) na dapat ay isang linggo bago ipadala sa MPD warrant section dahil may nag-hand carry sa kanila at inihain pa laban sa inyong lingkod sa araw mismo ng Easter Sunday sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pero sabi nga, what comes around, goes around — KARMA ang tawag diyan.
Hindi ba nagmamagiting na kapitan?!
Reklamo sa MPD PS-9 (Attention: NCRPO Dir. Gen. Joel Pagdilao)
GOOD day Sir Jerry, gusto ko lang pong ipa-abot sa inyo ang naging experience namin sa MPD station 9, kc po ‘yung kasamahan ko sa trabaho ay naholdap sa may bandang Legaspi Tower sa Pablo Ocampo St., habang nag-aantay ng sasakyan, lumapit po kami sa MPD Station 9 sa tapat ng Central Bank at katabi ng Harrison Plaza upang ipagbigay alam sa kanila ang nangyari, ang ginawa po sa amin ay itinuro po kami sa PCP nila na nasa Roxas Blvd., kc ‘yun daw po ang nakasasakop doon. Noong nandun na po kami sa Service Road at Roxas Boulevard PCP, gusto po namin ipa-blotter ‘yung nangyari ngunit sabi sa amin ng mga pulis sila na raw po ang bahalang magresolba at iwan na lang namin ‘yung contact number namin. Nais po sana naming humingi ng kopya ng blotter or incident report para po meron kaming pinanghahawakan kung sakaling makita namin muli ‘yung nangholdap, ngunit sabi sa amin saka na lang daw kami bumalik pag nakahuli sila ng holdaper at ‘yun daw ang idiin namin, nadesmaya po kami kc lahat po sila doon ay easy-easy lang at parang walang pakialam, nag-antay pa kami sa labas at may nagsabi sa amin na umuwi na kami kc di kami makakukuha ng blotter kc ayaw daw ng hepe nila na magka-record na may holdapan na naganap noong araw na ‘yun kc magre-report /presenta kinabukasan sila sa MPD or NCRPO ng kanilang mga achievement. Itinanong ko kung sinong hepe, ang sabi lang sa akin si Salisi daw po ang pangalan… tama po ba ‘yung patakaran nila na ‘di muna magbigay ng blotter at ‘pag may nahuli na lang ‘e saka magkaroon ng pagtatala? Salamat po Sir sana masagot n’yo po ako.
Gumagalang,
Bukas ang Bulabugin sa kasagutan ng MPD PS-9 sa isyung ito.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com