“Hanggang kailangan ako ng industriya, hanggang may nagbibigay pa sa akin ng trabaho, nandito ako. Pero kapag wala na, eh ‘di tigil na. Kahit 100 years old na siguro ako, kung aabot at kaya pa ng katawan ko, dito pa rin ako sa showbiz,” nakangiting pahayag niya.
Sa ngayon ay ginagawa ni Eddie ang pelikulang Tomodachi ng Global Japan Incorporated. Ito ay mula sa direksiyon ni Joel Lamangan at bukod kay Eddie ay pinagbibidahan din nina Jacky Woo, Bela Padilla, Pancho Magno, at Hiro Peralta.
Ang pelikulang Tomodachi (na ang kahulugan ay kaibigan) ay hinggil sa pagmamahalan nina Toshiro (Jacky) at Rosalinda (Bela). Isang pag-iibigan sa pagitan ng isang sundalong Hapon at Filipina na naganap sa ilalim ng digmaan.
Ano ang masasabi niya kay Jacky bilang aktor? “Wala kaming eksena rito, e. Pero nakatrabaho ko siya noon sa isang pelikulang ginawa namin with Robin (Padilla) and Jacky is a very good actor.”
Nakararamdam pa ba siya ng challenge sa mga proyektong ginagawa niya ngayon? “Oo naman, bawat ginagawa kong project ay may kasamang challenge pa rin. Ako naman kasi, para sa akin, ang pag-aartista ay trabaho lang e. Kung ano ang dumating na project, sunggaban mo.”
Ano ang sikreto na pagkatapos ng maraming dekada, hanggang ngayon ay nasa industriya pa rin siya? “Well, ang sikreto sa tingin ko, ang kuwan diyan, kung anumang project ang ibigay sa iyo, pagbutihin mo. Kasi, iyon ang magiging best recommendation for your next project.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio