Boto para kay Duterte napunta na kay Roxas
Jerry Yap
September 23, 2015
Opinion
SA latest survey para sa presidentiables ng Social Weather Stations (SWS), lumilitaw na si ex-DILG Secretary Mar Roxas ang may pinakamalaking iniangat sa rating.
Bukod sa pumangalawa na siya kay Senadora Grace Poe ay mahigit 18 puntos ang kanyang itinaas. Mula sa dating 21% two months ago, pumailanlang ito sa 39%.
Si Poe naman ay umangat lamang ng 5%, mula sa 42% ay umakyat sa 47%.
Ang biggest losser ay si Vice President Jojo Binay, nalaglag sa pangatlong puwesto na may 35%.
Grabe ang nangyaring ito sa rating ni Binay. Isipin mo mula sa 73% early last year ay bumaligtad ang kanyang numero. Tsk tsk tsk… Bunga ito ng mga ibinulgar ng kanyang dating kaalyado sa politika sa Makati City na si ex-Vice Mayor Ernesto Mercado, Atty. Renato Bondal at mga pag-iimbestiga nina Senador Antonio Trillanes, Alan Peter Cayetano at Koko Pimentel hinggil sa mga katiwalian ng pamilya Binay sa pamumuno sa Makati City government.
Sa aking analysis, ang malaking pag-angat ng rating ni Roxas ay bunga na rin ng pag-endorso sa kanya ni Pangulong Noynoy Aquino, pag-ikot-ikot na niya sa mga probinsiya at ang pag-atras sa pagtakbong presidente ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ibig sabihin nito, kapag hindi nga nag-file ng kanyang candidacy sa pagka-presidente sa Oktubre si Duterte malamang na tuluyang mapunta ang nalalabi pa niyang mga boto kay Roxas, at malamang na magtabla o malagpasan na ni Roxas ang rating ni Poe sa susunod na surveys.
Mapapansin namang naging stable na ang rating ni VP Binay sa naturang numero. Ito na siguro ang pinaka-loyal niyang supporters. Na kahit ano pa ang ibatong putik sa kanya ay hindi na magbabago ng pananaw kay VP.
Ang inaantay pa nating survey, ang Pulse Asia. Na maaring lumabas within this week or sa sunod na linggo. Magkasunod lang naman kasi kung maglabas ng survey ang SWS at Pulse Asia. Abangan!
Hinaing ng mga pulis na Yolanda suvivors sa Region 8
– Gud am, Sir Joey Venancio. Tulungan n’yo naman kami rito, ang PNP/PRO 8, sa aming financial assistance galing PMS para sa biktima ng typhoon Yolanda. Hanggang ngayon wala pa kaming natanggap. Samantala ang ibang national gov’t agency dito tapos na sila. Natutulog ang roster namin sa Crame at hindi nila ipinapasa sa DBM dahil hindi sila kasama sa makatatanggap. Tulungan n’yo po kami na gisingin ang pamunuan sa Crame lalo na si Chief PNP (Ricardo Marquez) na maawa naman sila sa aming mga nasiraan ng tahanan at namatayan. Lubog na kami sa utang kaliwa’t kanan. Ultimo ang ibinigay ng AFPSLAI na financial assistance sa mga pulis itinakbo ng dati naming regional director na si C/Supt. …. -09194051…
Paging Chief PNP Marquez: Sir! Paki-check naman ang detalye nitong hinaing ng mga pulis n’yong naging biktima ng bagyong Yolanda sa Region 8. Aksyon, General!
Magkano ba talaga ang pagpakabit ng internet sa PLDT?
– Mr. Joey Venancio, tanong ko lang po sa management ng PLDT. May commercial po kasi sila na ang magpapakabot ng internet ay P999 lang ang bayad. Bakit kami hinihingan ng P1,300? Alin ba ang totoo? Kung sino man na taga-PLDT ang makabasa nito, paki-linaw lang po. Salamat! -09466398…
Talamak na droga sa Binangonan, Rizal
– Gud am, Joey. Tama ‘yung nag-text sayo kahapon, Sept. 21, hinggil sa talamak na bentahan ng droga dito sa Binangonan, Rizal, hanggang sa Pag-asa, Villamor Compound madami pushers. Doon sila kumukuha sa kalye Champaca. Kina Gerald, Jojo at iba pa. Pag nahuli sila, pinepirahan lang ng mga pulis-Binangonan. – Concerned citizen
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015