Babala ni Mayor Olivarez sa publiko
Rex Cayanong
September 23, 2015
Opinion
BAKIT ba laging may nambabaterya sa Parañaque City?
Parang may ilang ‘multo’ na gustong manligalig lalo na ngayong mag-eeleksiyon. Nang-iintriga na, nagpapapansin pa sa electorates.
Ang matindi, tila naglaan ng malaking pondo para sa media at propaganda. Kaya naman nais ipabatid ni Mayor Olivarez sa kanyang mamamayan at sa publiko na maging mapanuri sa mga balitang posibleng maglabasan mula sa mga iresponsableng media practitioners.
Naglabas ng official statement si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez patungkol sa news items na naglabasan sa ilang pahayagan patungkol sa talamak na ‘tong collections sa area ng Baclaran na inaakusahan sa nasabing kalokohan ang ilan sa mga tauhan ng Parañaque PNP.
Sinabi ni Mayor Olivarez na walang sino mang taga-media ang nag-interview sa kanya patungkol sa nasabing isyu na naglabasan.
Hindi umano niya (Olivarez) maunawaan at maintindihan kung bakit ‘quoted’ siya sa news articles samantala wala namang aktuwal na interview na naganap.
Sa official statement ni Olivarez, hinikayat niya ang mga taga-media na mag-verify sa kanyang tanggapan o sa opisina ni Ms. Eva Nono, hepe ng Public Information Office (PIO) ng siyudad regarding press releases nang hindi ‘makoryente’ o maglabas ng mga mali at walang basehang news story.
Sinabi ni Mayor Olivarez na ‘unfair’ para sa mga opisyales at miyembro ng Parañaque PNP na maakusahan nang walang basehan lalo pa nga at ipinalalabs sa news item na siya mismo ang nagpapahayag ng mga detalye sa media.
Sa kabila nito, inatasan pa rin ni Mayor Olivarez ang hepe ng pulisya ng siyudad na si Colonel Ariel Andrade na magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa ‘tong collections’ sa Baclaran area.
Sa personal nating paningin, posibleng isinubo at pinondohan sa mga pahayagan ang naglabasang balita ng isang grupo na nais ilagay sa alanganin ang mabunying alkalde ng Parañaque.
Direkta nating sasabihin na ito ay isang political move to destroy and discredit the name of the city mayor. Tila nais din magkaroon ng’ friction’ sa pagitan ni Olivarez at ng kanyang mga pulis sa paghahayag ng mga maling impormasyon sa press.
Sa lengguwaheng diyaryo, ang balitang naglabasan sa ilang mga pahayagan patungkol sa “Baclaran 7” ay isang malinaw na koryente na ang sources ng balita o expose’ ay nakatago at hindi pinangalanan.
Kung totoong may kotongan ngang nagaganap sa Baclaran, bakit hindi pinangalanan ang source o sources ng balita para mapagkalooban ng merito ang nasabing pagbubunyag.
Kung ganitong nakatago ang identity ng mga naglabas ng impormasyon, malinaw na ‘in bad faith’ ito o sadyang politically motivated.
Makailang beses na natin napuna na ngayong nalalapit na ang halalan, maraming grupo ang bumabato sa punong hitik na hitik sa bunga.
Nais siraan ang malinis na pangalan ni Mayor Olivarez o kung hindi man ay ikabit sa kontrobersiya.
Bulok na itong estilo ng ‘operators’ ng ilang laos na politiko ng lungsod na ginagamit ang naisubing pera para sa isang ‘grand demolition job’ laban sa nakaupong alkalde.
Malinaw na ang labanan dito ay accomplishments at mabubuting nagawa ni Olivarez on one end at nilubid na kasinungalingan ng mga kalaban.
Makinig sa DWAD 1098 khz am “TARGET ON AIR USTREAM TV” Monday to Friday 2:00 – 3:00 pm. Mag email sa [email protected]