Friday , November 15 2024

Ano ang nasa likod ng pamamaslang sa mga Lumad ng Surigao del Sur?

00 Bulabugin jerry yap jsyKUNG ipinagkibit-balikat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang pamamaslang sa mga kababayan nating katutubong Lumad sa Surigao del Sur, mayroon talagang dahilan para mabahala ang mga mambabatas.

At hindi lamang ang mga mambabatas, dapat ang sambayanan at ang Malacañang mismo ay mabahala sa nagaganap na pamamaslang ng sinabing para-military group sa mga katutubong Lumad.

Ang Lumad ay katutubong mamamayan sa ating bansa na hindi Muslim at hindi Kristiyano.

Gaya sa mga katutubong American Indian sa America, ang mga Lumad ang opisyal na tagapangalaga ng ating mga kagubatan, kabundukan at mga ilog na dinadaluyan ng malilinis na tubig.

Sa madaling salita, sila ang opisyal na tagapangalaga ng ating mga likas na yaman.

Kaya hindi nakapagtataka na alam nila kung nasaan ang mahahalagang mineral na nakabaon sa lupa, sa putik at maging sa tubig.

Sila ang sinusundan ng mga explorer at gold hunters at malaki ang posibilidad na kung saan sila nakahimpil ay naroroon ang malaking deposito ng iba’t ibang uri ng mineral.

Sila rin ang nakaaalam ng mga batayang palatandaan kung mayroong ginto sa lugar o sa isang solar.

At marami ang naniniwala na ito ang ultimong dahilan kung bakit isinabatas ang Republic Act No. 8371 (The Indigenous Peoples Rights Act of 1997) na pinagsanib ang Office for Northern Cultural Communities (ONCC) at Office for the Southern Cultural Communities (OSCC) para iluwal ang National Commission on Indigenous People (NCIP).

Sa pagkakabuo ng NCIP, inakala ng mga katutubo na ito ay para pangalagaan at ipreserba ang kanilang kultura bilang mga katutubo.

Ito ay batay umano sa mandato ng batas na ang NCIP ay mangangalaga at magpapaunlad sa interes at pagkatao ng Indigenous Cultural Communities (ICCs), Indigenous People (IPs) na may paggalang sa paniniwala, kostumbre, tradisyon at institusyon gayon din ang pagkilala sa kanilang ancestral domain at sa kanilang mga karapatan.

Ngunit pagkalaon, noong Oktubre 26, 2004, ang NCIP ay ikinabit sa Department of Land Reform (DLR) sa pamamagitan ng Executive Order No. 379. At sa pamamagitan naman Executive Order 456, ang DLR ay naging Department of Agrarian Reform.

Noong Mayo 23, 2008 naman, ang NCIP ay isinailalim sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng Executive Order No. 726.

At noong Nobyembre 8, 2010, ang NCIP ay isinailallim sa Office of the President sa pamamagitan ng Executive Order No. 11.

Ngayon, kung ang komunidad ng mga katutubong Lumad ay nasa pangangalaga ng NCIP na direkta namang nakapailalim sa Tanggapan ng Pangulo — ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, bakit tahimik ang Malacañang sa ginawang pagsunog sa paaralan ng mga Lumad at pagpaslang sa kanilang edukador?!

Isinusulat natin ang kolum na ito’y nanatili ang pangamba sa komunidad ng mga katutubong Lumad  dahil hindi sila nakatitiyak kung sila ba ay protektado ng PNP o ng AFP o ang malalaking kompanya na naghahangad na makapagmina sa kanilang lugar?!

O ang dalawang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pangangalaga ng kapayapaan sa bansa ay naglilingkuran sa ‘grupong’ may malaking interes sa lugar na pinanahanan ng mga Lumad?!

Ngayong nagpatawag ng imbestigasyon, si Senador Teofisto Guingona III sa laganap na pagpaslang umano ng paramilitary forces sa mga katutubong Lumad  sa Mindanao, pansamantala kayang matigil ang karahasan?!

Bukod sa Surigao del Sur, ibinulgar ni Guingona na nangyayari na rin ang pagpatay sa mga Lumad sa Davao del Norte, Cotabato, Bukidnon at sa iba pang bayan sa Surigao.

Alam nating ang imbestigasyon ng Senate Committee ay lagi nang naglilingkod sa mga katagang — “in aid of legislation.”

Sana naman sa pagkakataong ito magkaroon ng konkreto at positibong resulta para sa mapayapang pamumuhay ng mga katutubong Lumad.

At sana rin, magkaroon ng balls ang Malacañang para i-pull-out ang military at para-military group sa nasabing lugar para pansamantalang makatikim ng kapayapaan ang mga kababayan nating Lumad.

Sana po…now na!           

The Super Green Card Holder!? (Immigration Commissioner)

ISANG araw ay narinig nating naghuhuntahan ang isang grupo na suki ng isang coffee shop d’yan sa isang five star hotel sa Maynila.

At habang nagkakape, naging ‘panini’ nila sa kanilang kuwentohan kung totoo nga ba ang pagiging US green card holder ni Bureau of Immigration Comm. Fred ‘pabebe’ Mison.

Ayon sa ating naulinigan, mahiwaga raw talaga ang citizenship n’yang mataas na opisyal sa isang ahensiya ng pamahalaan na nasa Intramuros, Maynila.

Hanggang sa kasalukuyan umano ay hindi pa rin malinaw kung isinuko na ba ni Mison ang kanyang ‘green card’ o patuloy lang niyang niloloko ang sambayanang taxpayers na nagpapasuweldo sa kanya o patuloy niyang nilalansi ang gobyerno ni Uncle Sam.

Ayon pa sa huntahan ng coffee shop lovers, kung hindi pa niya talaga isusuko ang kanyang green card, aba, tiyak mahihirapan siyang i-maintain ang kanyang lifestyle pwera na lang kung napakalakas niya sa kanyang bossing sa Department of Justice (DoJ) na siya ay payagang makapagbiyahe sa Amerika, dalawa hanggang apat na beses isang taon.

Bukod sa travel permit mula sa Philippine authority, siyempre ‘yung airfare pa.

Dami na sigurong kuwarta ng opisyal na pinag-huhuntahan?

Sa ngayon nga naman ay napakahigpit na ng Estados Unidos sa kanilang mga Immigrant. Kung hindi tayo nagkakamali, kinakailangan naroroon sila four to six months, kung ayaw makansela ang kanilang green card.

Marami na nga raw nakompiskahan ng green card pagdating sa US airport dahil nadiskubreng  mas matagal ang pananatili ng isang green card holder dito sa Pinas kaysa ‘Tate.

Pero ang higit nilang ipinagtataka, paano nakalulusot ang isang green card holder para ma-ging presidential appointee sa isang ahensiya na nagbabantay sa ating border patrol?!

Hindi man lang daw ba nabusisi ng Malacañang kung ang nasabing opisyal ay  genuine pang Filipino at hindi nagtakwil ng kanyang citizenship kahit kailan?!

Kuwestiyon na nga naman ito ng allegiance sa ating bansa bilang isang tunay na Pinoy.

Tsk tsk tsk…

O Immigration Commissioner Siegfred Mison, kailan mo lilinawin sa iyong mga empleyado at sa taumbayan ang isyu ng pagiging green card holder mo?!

Pwede bang kahit si Immigration spokesperson Elaine Tan na lang ang magpaliwanag sa amin!?

What the fact!!!

Ang palpak na LINAC-Radiation Therapy ng JRMMC? (Attn: DOH Sec. Janet Garin)

Marami ang nagtatanong at nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay sira at hindi mapakinabangan ang radiotherapy equipment sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).

Marami tayong mga kababayan na nangangailangan nito pero hindi mapakinabangan kasi laging sira.      

Halos ilang buwan na umanong nakatengga ang radiation therapy sa LINAC ng JRMMC.

Ang JRRMC ay nasa pamamahala ng Department of Health na pinamumunuan ngayon ni Secretary Janet ‘pabebe’ Garin.

Walastik!!!

Ang hinaing ng mga pasyenteng nganga na lang sa LINAC, mukhang hindi nabibisita ni DOH Sec. Garin ang JRMMC na katabi lang ng DOH main office sa Tayuman at Avenida Rizal, Sta. Cruz, Maynila kaya hindi n’ya alam na matagal nang palpak ang nasabing makina.

Kung ganyan ang nangyayari sa JRMMC na nasa tungki lang ng ilong ni Garin ‘e what more sa iba pang mga DOH-run hospital!?

Kaya ang ipinagagamit ng JRMMC sa mga pobreng pasyente ay COBALT na medyo mas may kamahalan kaysa LINAC!

What the fact!?

Mabuti na lang daw at masipag at may puso ang ilang tauhan ng JRRMC na mag-text at impormahan ang mga pobreng pasyente kung ano ang status ng sira-sirang LINAC.

Katuwiran ng isang JRRMC personnel, nakatengga pa sa loob ng Customs ang replacement parts ng LINAC.

DOH Sec. Janet Garin, ano ba talaga ang problema at solusyon sa problemang LINAC na ‘yan!?

Aba’y bawas-bawasan ninyo ang ‘pabebe’ sa TV ads at diyan muna ninyo ibuhos ang pondo sa LINAC!

Pwede ba!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *