Kaya naman kapag may time siya, talagang gumagawa pa rin siya ng pelikula o teleserye. Pero matagal-tagal na rin siyang hindi napapanood. Apinakahuli niyang nagawa ay ang Muling Buksan Ang Puso ng ABS-CBN. May mga teleserye at pelikula raw sana siyang gagawin subalit hindi natutuloy dahil siyempre nga naman ay mas inuuna niya ang panunungkulan at pagsisilbi sa kanyang mga constituent.
Pero, naroon pa rin ang pagnanais niyang makagawa ng proyekto sa showbiz. “Hindi ko intensiyon na iwan ang showbiz. Nagkataon lang, na dinala rin ako ng kapalaran ko na mapunta sa ganitong panunungkulan. Bata pa ako ay pangarap ko rin naman ito, kaya isang malaking pasasalamat na nabigyan ako ng pagkakataon na pagkatiwalaan,” aniya.
“Ito ngayon ang isang nagpapasaya sa akin. Kung masarap ang pakiramdam na sa showbiz ay binibigyan ka ng pagkilala dahil mayroon kang ginawang maganda, ganoon din naman ngayon kung nasaang larangan ako. Kaya nakatataba ng puso ‘yung mabigyan ka ng pagkilala, dahil okey ang ginawa mo. Parang ito ang kapalit, na dahil naisasakripisyo ko ang showbiz , kaya may magagandang resulta naman ang ginagawa kong paglilingkod sa aking mga Kababayan sa Bulacan,” aniya na katatapos lamang niyang parangalan ng Superbrand Marketing International Inc., (SMI) bilang Outstanding Local Legislator of 2015.
Kasabay niyang binigyang parangal sina Vice Govs. Ramon “Jolo” Revilla, III ng Cavite, Jose Antonio “Marc” Leviste II ng Batangas, at Allen Jesse “Sonny” Mangaoang ng Kalinga.
Bale ito ang ikalaang pagkakataong pinarangalan si Fernando dahil sa kanyang programa at proyekto tulad ng Damayang Filipino Pangkabuhayan Mo, Sagot Ko, Paunlarin Mo Livelihood Program, Dunong Filipino Legal Mission, Dugong Alay ng Bulakenyo, Damayang Filipino Computer on Wheels, Call Center Training Program and Medical Mission and Feeding Projects sa Bulacan.
“We celebrate the significance of the Local legislators and award them for their hardwork and dedication in managing the country from the ground up,” sambit ni SMI President at Chief Executive Officer Harry Tambuatco.
Tuwang-tuwa naman si Fernando sa parangal na natanggap niya at inialay niya ito sa mga kapwa niya Bulakenyo. Aniya, isa na naman itong inspirasyon para ipagpatuloy ang trabaho at pagsisilbi sa mga minamahal niyang taga-Bulacan.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio