Mga alkalde, pulis walang magawa sa ilegal na sugal?
Robert B. Roque, Jr.
September 22, 2015
Opinion
WALA bang magawa ang mga pulis at alkalde laban sa ilegal na sugal?
Sa hilagang bahagi ng Metro Manila, namamayagpag ang gambling operators na sina Buboy Go, Mario Bokbok, Nancy, at Jun Moriones.
Tuloy ang paghahari-harian sa Malabon ni Buboy Go, na kapatid ng isang retiradong pulis-Maynilla, at ipinangangalandakang malakas ang kapit niya kay Mayor Antolin “Lenlen” Oreta. Mapatutunayan kaya ni Mayor na nagkakamali ‘tong si Buboy? Ang kanyang kanang kamay na nagpo-front para sa kanya ay nagngangalang Noel.
Kay Buboy Go ang video karera machines na nagkalat sa buong Malabon, kung saan minamantina ni Mario Bukbok ang isang saklaan.
Mga bukis ng karera ang ino-operate ni Nancy sa Caloocan at Valenzuela. Sa Valenzuela rin matatagpuan si kagawad Jun Moriones na nagpapatakbo ng ilegal na lotteng (lotto na parang jueteng).
Kasama ni Jun Moriones si Boyet Kalabaw sa panggegerilya ng lotteng sa Valenzuela, Quezon City at Maynila. May lihim silang binibigyan sa naturang mga lugar. Kagaya rin ng para sa piling opisyal ng QCPD at National Capital Region Police Office (NCRPO) na ang tumatanggap ay si Cesar Pilosopo na dating pulis.
Parehong dapat umaksiyon ang NCRPO sa pamumuno ni Chief Superintendent Joel Pagdilao at Criminal Investigation and Detection Group ni Chief Supt. Victor Deona para maipasara ang operasyon ng mga ilegalista.
Bakit walang ginagawa laban dito si Chief Supt. Eric Serafin Reyes, Northern Police District Director, at ang kanyang mga hepe sa Caloocan na si Senior Supt. Bartolome Bustamante, sa Malabon na si Senior Supt. Severino Abad Jr., at sa Valenzuela na si Senior Supt. Audie Villacin?
Sina Malabon Mayor Oreta, Caloocan Mayor Oca Malapitan, at Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ay nananahimik din.
Malinaw ang pagwawalang-bahala o kawalang kakayahan ng mga police district director at hepe na may hurisdiksiyon sa mga nasabing lungsod na ipatupad ang batas.
Huwag na po tayong magpatumpik-tumpik pa.
***
Sumakabilang-buhay ang aking tiyuhin, si Camarines Norte 2nd District Representative Elmer Panotes, noong Miyerkoles.
Maraming kababayang umasa na tatakbo siyang muli para sa ikatlong termino sa nalalapit na halalan ang nagdadalamhati.
Sila ang mga tagasuporta na nanatiling tapat mula nang maglingkod siyang vice governor ng Camarines Norte noong 1986-1987 at board member; alkalde ng Daet mula 1992-2001 at 2004-2007; hanggang sa kasalukuyan.
Mami-miss ka namin, Tiyo Eming. Paalam.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.