May katarungan na nga kaya para kay Doc Gerry Ortega? (Sa pagkakadakip sa Reyes brothers)
Jerry Yap
September 22, 2015
Bulabugin
PAGKAKATAON lang ba na matapos ihain ni Dra. Patty Ortega ang kanilang petisyon sa Department of Justice (DoJ) nitong Biyernes na isulong ang prosekusyon laban sa magkapatid na dating gobernador ng Palawan na si Joel Reyes at ang kapatid niyang dating mayor ng Coron na si Mario Reyes ay nadakip sila sa Thailand kinabukasan?!
O ito ay tadhana ng Maykapal dahil apat na taon na mula nang paslangin si Doc Gerry ay hindi lumalarga ang katarungan para sa pinaslang na brodkaster at environmentalist?
Isa po ang inyong lingkod bilang pangulo ng National Press Club noon, ang sumuporta sa laban na ito ng pamilya Ortega.
Inihain ni Dra. Patty ang petisy0n sa DoJ bilang hamon kay Justice Secretary Leila De Lima na dating private election lawyer ng gobernador na Reyes.
Sa nasabing petisyon, binigyang-diin ni Dra. Patty na malapit nang bumaba sa kanyang puwesto si De Lima kaya marapat lamang tapusin niya ang pagsasampa ng kaso sa magkapatid na Reyes bago man siya maghain ng kanyang kandidatura pagka-senador.
Talaga naman!
Hindi natin alam kung saan nanghihiram ng kapal ng mukha ang isang opisyal diyan sa DOJ.
Magpraktis ka naman ng delicadeza, Madam!
Alam ba ninyong katakot-takot na railroading ang nangyari sa kasong inihain ng mga Ortega laban sa mga Reyes dahil sa panghihimasok ni “classmate”!?
Nadakip na nga ang Reyes brothers deretso kulungan kaya ‘yan at mai-arraign kaya kaagad?!
‘Yan ang aabangan natin.
Pansamantala, binabati natin ang Task Force Usig sa pagkakadakip sa Reyes brothers.
Wish lang natin na ang pagdakip sa Reyes brothers ay hindi para maging deodorant ng Daang Matuwid administration lalo ngayong panahon ng eleksiyon.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com