GAGAWIN mamayang gabi ng PBA Press Corps ang taunang Awards Night nito sa Century Park Hotel sa Vito Cruz, Maynila.
Pangungunahan ng pangulo ng PBAPC na si Barry Pascua ng Bandera, Bagong TIKTIK at HATAW ang awards night kung saan magiging espesyal na panauhin ang bagong komisyuner ng PBA na si Andres “Chito” Narvasa, Jr.
Dadalo rin sa awards night ang dating komisyuner ng PBA at ngayon ay pangulo at CEO ng liga na si Chito Salud at ang mga opisyal ng liga sa pangunguna ng bagong tserman na si Robert Non ng San Miguel Corporation.
Si Leo Austria ng San Miguel Beer ang napili bilang Coach of the Year ng PBA Press Corps dahil sa kanyang mahusay na paggabay sa Beermen sa dalawang titulo noong huling PBA season.
Napili naman bilang Executive of the Year si Patrick “Pato” Gregorio ng Talk n Text dahil sa kanyang mga ginawa noong huling season kung saan nagdagdag ng tatlo pang bagong koponan ang PBA, bukod sa pagdala ng mga imports na Asyano sa Governors’ Cup.
Ang iba pang mga awardees ng PBAPC ay sina June Mar Fajardo bilang Defensive Player of the Year, Calvin Abueva bilang Mr. Quality Minutes, Terrence Romeo bilang Scoring Champion, Paul Lee bilang Order of Merit Awardee, Alex Cabagnot bilang Comeback Player of the Year at ang All-Rookie Team na kinabibilangan nina Stanley Pringle, Matt Ganuelas-Rosser, Jake Pascual, Chris Banchero at Jericho Cruz.
Ngunit hindi makakadalo sa awards night mamaya sina Ganuelas-Rosser, Abueva at Romeo dahil nasa Cebu sila para sa ensayo ng Gilas Pilipinas na naghahanda para sa FIBA Asia Championships sa Tsina sa susunod na linggo. (James Ty III)