May throat cancer ba si Duterte?
Robert B. Roque, Jr.
September 15, 2015
Opinion
Totoo nga kaya na may kanser sa lalamunan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte at ito ang dahilan kaya siya umatras sa pampanguluhang halalan sa 2016?
Ito ang ibinunyag ng isang mamamahayag sa social media kamakailan. Si Duterte ay ayaw raw payagan ng kanyang pamilya na tumakbo para pangulo dahil lalala ang kanyang “throat cancer” na posibleng maging terminal bunga ng pangangampanya sa buong bansa.
Pero sumagot ang kampo ni Duterte para sabihing “black propaganda” lamang ito. Ipinunto nila na ang mahigit isang taon daw na paglilibot ni Duterte sa buong bansa ay patunay na maayos ang kanyang kalusugan.
Kung may pinuproblema raw si Duterte, ito ay ang nabubulok nating sistema kaya gusto niyang magkaroon ng pagbabago sa bansa.
Marami ang hanga sa matapang at kinatatakutang si Duterte at umaasang siya ang makapagpapatino sa bansa, lalo na laban sa mga tiwali at kriminal.
Dahil sa pag-atras nito, ang mga boto na para kay Duterte ay mahahati sa nalalabing kandidato na sina Vice President Jejomar Binay, Interior Secretary Mar Roxas at Senator Grace Poe. Sino ang higit na makikinabang dito?
May boboto kay Binay dahil tulad ni Duterte ay nagpakita ito ng husay kaya umunlad at tumino ang mga lungsod na kanilang pinamunuan. Nawawasak lang ito ng mga isyu ng iregularidad na hindi nagawang ipaliwanag ni Binay.
May mga pipili kay Roxas dahil sa pagiging tapat na tagasunod sa mga simulain at “daang matuwid” ni President Noynoy Aquino, sa loob ng anim na taong panunungkulan ng Pangulo.
Si Poe ay tiyak na susuportahan ng marami dahil mallnis ito at walang bahid dungis bilang opisyal ng gobyerno, bukod pa sa anak ito ng yumaong Fernando Poe Jr., na minamahal ng maraming taga-Mindanao.
Ayon sa National Statistical Coordination Board, 23 porsyento ng nakakalap na boto ay magmumula sa Mindanao, 21 porsyento mula Visayas at 56 porsyento galling Luzon. Tiyak na makaaapekto ang Mindanao nang malaki sa resulta ng kabuuang mga boto.
Pero kung walang throat cancer si Duterte at nagbago muli ang isip nito dahil hiniling ng kanyang mga tagasuporta ang kanyang pagtakbo, mamumroblema ang marami at wala muling katiyakan sa magiging resulta ng halalan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.