Trapik (Huling bahagi)
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
September 14, 2015
Opinion
BUKOD sa kaugnayan ng ating mga “personal complex” sa “carmageddon” na ating dinaranas araw-araw, ang kasalukuyang sobrang bagal at nakabubugnot na daloy ng trapiko, lalo na sa Metro Manila, ay bunga rin ng ilan dekada na kapabayaan at kawalan ng “foresight” ng mga nasa poder at kaakibat na pagbalewala ng taong bayan sa mga batas trapiko.
Ang “carmageddon” ay parang isang sakit na matagal na nakatago at ngayon lang lumalabas sa lipunan. Hindi ito isang biglaan na pangyayari o parang bula na pumutok. Ang ugat ng problemang ito ay nag-umpisa sa kauna-unahang sasakyan na “de motor” na inangkat sa ating bayan.
Simula noon ay hindi na naawat ang pagdami ng iba’t ibang uri ng mga sasakyan subalit wala namang kaakibat na pagpapalalim sa kaalaman kaugnay ng “traffic management” at “road building” na nangyari sa mga may-ari ng sasakyan, “pedestrians” at mga “road builders at managers.” Hindi kataka-taka na ngayon ay walang regulasyon sa pagmaymay-ari ng mga sasakyan, walang alam ang mga drivers at pedestrians sa mga batas trapiko at kortesiya sa daan, at napakasama, dahil walang planning at harmony, ang pagkakagawa ng mga kalye sa ating mga lungsod.
Walang kagyat na solusyon sa “carmageddon” na dekada ang ugat. Kahit anong programa ang ipatupad ngayon ay walang mangyayari na pagluwag sa daloy ng trapiko. Hanggat hindi natutugunan ang pundamental na suliranin at hanggat walang komprehensibong plataporma na tutugon sa pagdami ng sasakyan, kakulangan sa mga daan at kawalan ng kaalaman ng mga driver at pedestrian sa batas trapiko at kortesiya ay walang makabuluhang pagbabago ang mangyayari.
Gayun man ay may mga ilang mungkahi ako na ibig iparating sa mga kinauukulan na maaring pagsimulan ng pagbabago.
-
Ipagbawal ng vendor, jeepney at tricycle sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila;
-
Masusing sanayin sa traffic management at enforcement at bigyan ng tamang kagamitan ang mga enforcers;
-
Padaanin sa komprehensibong pag-aaral kaugnay ng mga batas trapiko at kortesiya ang mga kukuha ng lisensya sa pagmamaneho;
-
Kagyat na patawan ng mabigat na kaparusahan tulad ng limang ton na pagkakabilanggo o mahal na penalty (20,000 hanggang P50,000) ang mga driver at pedestrian na lalabag sa batas trapiko
-
Sibakin agad sa tungkulin, alisan ng benepisyo at ibilanggo ng limang taon ang mga enforcers na mangungurakot; • Ipagbawal sa mga walang garahe ang pagbili ng sasakyan;
-
Patawan ng 100 porsyentong buwis ang pagmaymay-ari ng sasakyan;
-
Magkaroon ng dalawa hanggang tatlong taon na moratorium sa pagbebenta ng sasakyan;
-
Laparan at dagdagan ang mga lansangan at gawing sayantipiko ang pagdidisenyo nito;
-
Palawakin ang sektor ng pampublikong transportasyon katulad ng bus, tren at ferry at bigyan ng insentibo ag mga may-ari nito;
-
Gawing suwelduhan ang mga driver at aalisin na ang boundary system.
Ilan lamang ito sa mga maaring gawin at pagtulong-tulungan natin para matapos na ang carmageddon.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.