NGAYONG wala na sila sa Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Championships, puwede nang maglaro sina Moala Tautuaa at Troy Rosario para sa Talk n Text sa MVP Cup na magsisimula bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Tautuaa at Rosario ay kasama sa mga huling cuts ng Gilas ni coach Tab Baldwin kasama sina Gary David, Jimmy Alapag, Aldrech Ramos at Jordan Clarkson na hindi na isinali sa lineup dahil sa posibleng sabit ng huli sa kanyang koponan sa NBA na Los Angeles Lakers.
Ang mga isinama sa Magic 12 ni Baldwin ay sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Gabe Norwood, Marc Pingris, Andray Blatche, Asi Taulava, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros, JC Intal, Calvin Abueva, Terrence Romeo at Matt Ganuelas-Rosser.
Ang MVP Cup ay magiging huling ensayo ng Gilas bago ang pagsabak nito sa FIBA Asia Championships sa Changsha, Tsina, mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 na qualifier para sa 2016 Rio Olympics.
Sinabi ng team manager ng Gilas na si Butch Antonio na walang reserves ang inilagay sa opisyal na roster ng Gilas dahil hindi na ito pinapayagan ng FIBA.
Ngunit ayon pa kay Antonio, puwede pang magkaroon ng pagbabago ang lineup ng Gilas hanggang sa Setyembre 22, isang araw bago ang pagsisimula ng torneo.
Puwede namang isingit ng SBP sina Rosario, Tautuaa, David, Alapag, Ramos o pati na rin si June Mar Fajardo kung magkakaroon ng pilay ang isa sa nasa kasalukuyang lineup.
Sa MVP Cup bukas ay haharap ang TNT at Gilas sa alas-siyete ng gabi pagkatapos ng laro ng Wellington Saints ng New Zealand at Chinese-Taipei sa alas-4:15.
Sa Sabado ay maglalaban ang Texters at Taiwanese sa alas-tres at Gilas kalaban ang mga Kiwi sa alas-singko at sa Linggo ay magtutunggali ang Saints at Tropa sa alas-tres at Gilas kalaban ang Taipei sa alas-singko.
Ang kampeon ng torneo ay uuwi ng premyong salapi na $20,000.
Mapapanood ang lahat ng mga laro ng MVP Cup sa TV5. (James Ty III)