TULUYANG sumarado na ang pinto kay Andray Blatche sa kanyang paglalaro sa Gilas Pilipinas sa huli nitong asignatura sa ika-37 na Jones Cup kontra Chinese Taipei B mamayang ala-una ng hapon sa Taipei, Taiwan.
Ayon kay Gilas coach Tab Baldwin, napilitan si Blatche na i-rebook ang kanyang paglipad sa Taipei para makasama niya ang kanyang ina kaya late na rin siyang darating sa Taipei at hindi na makakalaro.
Pagdating ni Blatche sa Taiwan ay makakasama niya ang iba pang mga miyembro ng Gilas sa kaunting salu-salo bago sila makabalik sa Pilipinas.
Matatandaan na napilitan si Blatche na lumipad pabalik sa Amerika pagkatapos na mamatay ang kanyang tiyuhin.
Sa ngayon ay wala pa sa kondisyon si Blatche dahil nadagdagan siya ng timbang bago ang mga unang ensayo ng Gilas sa Maynila.
Pagbalik ng Gilas sa Pilipinas ay magpapahinga muna ang tropa ni Baldwin bago sila sumabak sa MVP Cup mula Setyembre 11 hanggang 13 sa Smart Araneta Coliseum. (James Ty III)