PATAY ang isang 87-anyos lola makaraang mabundol ng umaatras na sports utility vehicle (SUV) habang naglalakad papunta sa isang tindahan sa Caloocan City kahapon.
Hindi na nailigtas ng mga doktor ng Quezon City District Hospital ang biktimang si Emperatriz Grajo Rabenitas, senior citizen, residente sa Block 15, Lot 14, Sunrise Village, Brgy. 167 Llano ng nasabing lungsod, sanhi ng pagkabagok ng ulo at bali sa katawan.
Kusang-loob na sumuko ang suspek na si Eugene Zamora, 41, 33 Ulingan St., Lawang Bato, ng nasabing lungsod, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Batay sa ulat ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, dumating sa himpilan ng pulisya ang anak ng biktima na si Eduardo Grajo Perez, 61, upang idetalye ang insidente.
Nabatid mula kay SPO3 Carmelito Silvino, dakong 8:15 a.m. habang naglalakad ang biktima sa Mars St., Sunrise Village ng nasabing barangay nang umatras ang Honda CRV (XMH-148) na minamaneho ni Zamora at nabundol ang matanda.
Salaysay ni Zamora, hindi niya napansin na may tao sa likod dahilan upang maatrasan at magulungan ang biktima.