PUMIRMA na ng bagong kontrata sa Talk n Text ang tatlo nitong mga beteranong sina Kelly Williams, Larry Fonacier at Harvey Carey.
Isang taon lang ang bagong kontrata ni Williams habang tatlong taon kay Fonacier at dalawang taon naman para kay Carey.
“We were offering him two years, but he just settled for one season out of respect for management dahil nga injured siya di ba,” wika ni bagong TNT team manager Virgil Villavicencio.
Napilay si Williams sa mga unang ensayo ng Gilas Pilipinas kaya inalis siya sa national team.
Bukod pa rito ay nagkasakit si Williams sa kanyang dugo noong naglaro pa siya sa Sta. Lucia Realty.
“Still, Kelly just went for a one-year contract. Nahihiya raw siya sa management but very grateful to them. Mabait na bata yan si Kelly,” ani Villavicencio na pumalit kay Jimmy Alapag pagkatapos na lumipat ang huli sa Meralco.
Naunang pumirma ng tig-tatlong taong kontrata ang dalawang draft picks ng TNT na sina Moala Tautuaa at Troy Rosario bago sila umalis patungong Taiwan para sa Jones Cup bilang mga miyembro ng Gilas Pilipinas.
(James Ty III)