NASA Amerika ngayon ang naturalized na manlalaro ng Gilas Pilipinas na si Andray Blatche upang asikasuhin ang pagpapalibing ng kanyang namapayang tiyuhin na si Steve.
Ito ang dahilan kung bakit hindi muna lalaro si Blatche para sa Gilas sa Jones Cup na nagsimula kahapon.
“It’s a setback,” komento ni Gilas coach Tab Baldwin tungkol sa pagluluksa ni Blatche. “It’s out of everybody’s control. It definitely doesn’t help us, and doesn’t help him on the improvements that he is getting.”
Idinagdag ni Baldwin na hindi pa niya alam kung babalik pa sa Taiwan si Blatche upang ipagpatuloy ang kampanya ng Gilas sa Jones Cup.
”I don’t know if he’ll play any (laro dito sa Jones Cup). Maybe one, maybe two, but no more than that, I am sure,” ani Baldwin.
Habang sinusulat ito ay naglalaro ang Gilas kontra South Korea pagkaraang mairehistro nila ang unang panalo laban sa Chinese Taipei A.
Matatandaang tinalo ng mga Pinoy ang South Korea sa semifinals ng FIBA Asia dito sa Pilipinas noong 2013.
Gumanti ang mga Koreano kontra Gilas sa Asian Games sa Incheon, Korea, noong isang taon.
Sa unang laro ng mga Koreano noong Sabado sa Jones Cup ay tinambakan sila ng Iran, 77-46.
(James Ty III)