Nakatatakot ang ipinakikita ng INC
Ruther D. Batuigas
August 29, 2015
Opinion
ANG gusto ba ng pamunuan at mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ay maging malaya sila sa ano mang gusto nilang gawin sa kanilang miyembro nang hindi sila nasasaklawan ng batas?
Nitong Huwebes ay nagsagawa ng protesta ang hindi kukulangin sa 1,000 kasapi ng INC sa labas ng compound ng Dep’t of Justice (DOJ), upang iprotesta na dapat umanong irespeto ang “separation of church and state” at “freedom of religion” ng INC.
Mantakin ninyong hinarang pa nila ang sasakyan ni Justice Sec. Leila de Lima upang hindi siya makaalis ng compound. Napilitan tuloy dumaan sa isang lagusan sa likod ng compound si De Lima para lang makalabas.
Ang sigaw nila ay huwag pakialaman ang Iglesia at sa halip ay pagtuunan ang mas mahahalagang isyu, tulad ng pagmasaker ng mga rebeldeng Moro sa 44 Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero.
Ugat ng nasabing protesta ang pagsasampa nitong Miyerkoles ng kasong “serious illegal detention” ng itiniwalag na ministrong si Isaias Samson Jr., laban sa walong pinuno ng INC.
Ayon kay Samson, siya at ang kanyang pamilya ay puwersahang binihag sa loob ng kanilang tahanan nang ilang araw ng mga bodyguard na ipinadala ng INC, matapos siyang maakusahang nagsulat ng blog na nagbubunyag sa korupsiyon at ibang iregularidad na nagaganap daw sa loob ng kanilang sekta.
Binalaan pa umano ng isang tagasuporta ng sekta ang mga pulis na ang mga miyembro ng INC ay hindi mapipigilan. Nagkakaisa raw sila at ang sinusunod nila ay utos ng Diyos.
Marami ang nagtataka kung bakit pinayagan sila ng city hall na mag-rally sa loob ng tatlong araw sa kabila ng katotohanang nakapatinding trapiko ang lilikhain nito.
Iginigiit ng mga miyembro ng INC na “internal problem” ang nangyayari sa kanilang simbahan na hindi dapat pakialaman ng gobyerno. Umaayon naman tayo sa sinasabi nilang dapat magkahiwalay ang estado at simbahan, at kalayaan nilang lutasin ang mga problema na nagaganap sa loob ng kanilang sekta.
Pero buksan sana nila ang kanilang isipan sa katotohanan na ginagawa lang ng DOJ ang kanilang tungkulin lalo na’t may nagsampa ng reklamo laban sa kanilang mga pinuno. Kung may naganap na paglabag sa batas ay hindi ito puwedeng balewalain ng gobyerno. Ang pagiging miyembro ng isang religious group ay hindi nangangahulugan na hindi na sila saklaw ng batas.
Alalahanin na ang unang nagbunyag na may iregularidad sa loob ng INC ay si Felix Nathaniel “Angel” Manalo, anak ng yumaong INC executive minister Eraño Manalo.
Ayon kay Angel, nasira ang doktrina at maraming anomalya ang nangyari nang ang nakatatanda niyang kapatid na si Eduardo (Eddie) ang namuno noong 2009.
Para sa marami, mahirap itong balewalain, mga mare at pare ko, dahil si Angel ay isang Manalo na pamilya ng mismong founder ng INC, kaya batid daw nito ang kaganapan sa loob ng kanilang simbahan.
Manmanan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.