Media killings, harassment kinondena
Almar Danguilan
August 29, 2015
News
NANAWAGAN ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa mga awtoridad na agarang resolbahin ang panibagong insidente ng karahasan na biktima ang ilang kagawad ng media.
Kinondena ng KBP sa pamamagitan ni National Chairman Herman Z. Basbaño ang pagpatay sa radio broadcaster na si Cosme Maestrado sa Ozamiz City, sa Misamis Occidental.
Si Maestrado, isang hard-hitting anchorman ng himpilang DXOC, ay binaril kamakalawa nang malapitan ng mga suspek habang siya ay nasa loob ng kanyang nakaparadang sasakyan.
Umaasa si Basbaño na ang kaso kay Maestrado ay hindi mapadagdag sa mahabang listahan ng media killings sa bansa na bigong maresolba.
Katulad ng 2009 Maguindanao massacre na 32 media practitioners ang biktima ng karumal-dumal na krimen.
Kasabay nito, kinondena ni Basbaño ang nangyaring harassment sa ABS-CBN/DZMM broadcaster na si Anthony Taberna kahapon ng madaling araw na pinaulanan ng bala ng baril ang coffee shop na kanyang pag-aari.
Ang ganito aniyang karahasan kung hindi mabibigyan ng agarang resolusyon ay magdudulot muli ng batik sa ginagawang pagsisikap ng pulisya na maibsan o kung hindi man tuluyang masawata ang krimen sa bansa.
Café ng brodkaster sa Kyusi niratrat
PINAULANAN ng bala ng hindi nakilalang mga lalaki ang Ka Tunying’s Café na pag-aari ng mamamahayag na si Anthony Taberna sa Quezon City.
Dakong 2 a.m. nitong Biyernes nang pagbabarilin ng apat na nakamotorsiklong mga suspek ang nasabing gusali.
Walong kalibre .45 mm bala ng baril ang tumama sa establisyemento ni Taberna habang 15 basyo ang natagpuan sa paligid nito. Tumagos pa ang ilan sa mga bala sa opisina ng Ka Tunying’s Cafe.
Napilitang dumapa na lang at hindi na nanlaban ang mga guwardiyang nasa loob ng gusali.
Walang nakikita si Taberna na ibang motibo sa insidente bukod sa intensiyong sindakin siya ng mga nasa likod nito.
Dalawa sa apat na mga suspek ang nahagip ng CCTV camera sa lugar. Sinusuri na ng pulisya kung mapalilinaw ang footage upang makilala ang mga suspek.
Minarkahan nitong Biyernes ang unang linggo ng kabubukas pa lamang na negosyo ni Taberna. Patuloy ang operasyon ng establisyemento sa kabila ng insidente.