Ang buwan ng Agosto
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
August 28, 2015
Opinion
ANG Agosto ay buwan ni San Bartolome Apostol, isa sa mga disipulo ng panginoong Hesus. Ang kanyang estatwa sa simbahan ng Malabon ay kakaiba sapagkat makikita na may hawak na gulok at nakagayak ng pulang damit. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang mga katipunero ay laging isinalalarawan na nakapula at may hawak na itak.
Makabuluhan ang buwan na ito para sa atin sapagkat maraming pangyayari ang naganap sa panahon na ito na bumago sa takbo ng ating kasaysayan. Ang Agosto ay kinikilalang buwan na nagluwal sa mga pagkilos na ang layunin ay palayain ang bayan mula sa mga mananakop at mang-aapi.
Nag-umpisa ang himagsikang 1896 sa buwan ng Agosto matapos ang mga pahayag ng kalayaan ng mga Katipunero sa pangunguna ni Supremo at Unang Pangulo ng Republika na si Andres Bonifacio laban sa mga Kastila. Ang mga pahayag na ito, ayon sa mga saksi, ay naganap sa loob ng magkakasunod na tatlong araw mula noong ika-23 ng Agosto sa mga bario ng Pugad Lawin, Bahay Toro, Kangkong, Balintwak at Banlat na pawang sakop ngayon ng Lungsod Quezon.
Sa pamamagitan ng mga sigaw na ito ay nag-umpisa ang pagkilos ng taong bayan para makamit ang ating kalayaan mula sa mga Kastila. Nakalulungkot na nauwi sa pagtatayo ni Emilio Aguinaldo ng “landlord dominated” na Malolos Republic (1899-1901) ang inumpisahan ni Pangulong Bonifacio.
Ika-21 ng Agosto, 1983 nang paslangin naman ang dating senador na si Benigno Simeon Aquino Jr., sa tarmac ng noon ay Manila International Airport, ngayon ay mas kilala sa tawag na Ninoy Aquino International Airport. Ang kanyang kamatayan ay nagsilbing mitsa sa pagsiklab ng galit ng taong bayan laban sa mapaniil na martial law ni Ferdinand Marcos Sr.
Ang mga kilusang protesta na ito ay nauwi sa pagpapatalsik sa mga Marcos noong 1986 at pagbabalik naman sa poder ng mga mapagsamantalang oligarkiya at panginoong maylupa na siya lamang nakikinabang ngayon sa ating pambansang yaman.
Buwan ng Agosto rin ang kinikilalang buwan ng wika bilang pagpupugay kay dating Pangulong Manuel Luis Quezon na ipinanganak noong ika-19 ng Agosto, 1878. Ang pagdedeklara ng buwan ng Agosto bilang buwan ng wika ay isang paraan para malinang ang wika bilang instrumento ng pagkakaisa ng sambayanang Filipino.
Gayon man, sa kabila ng pagiging makabuluhan ng buwan na ito ay tila kapos sa pagbibigay halaga rito ang pambansang pamahalaan. Ha-limbawa, mapapansin na mga lokal na pamahalaan lamang ang gumugunita sa mga pangyayari na nagbigay-daan sa pagkakatayo ng Unang Republika noong 1896.
Dahil sa kawalan ng interes ng pambansang pamahalaan na ipagdiwang nang todo at taos ang buwan ng Agosto ay parang nalilimot na ng kasalukuyang henerasyon ang mga sakripisyo ng mga ninuno natin para sa ating kalayaan.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.