NAGING masuwerte ang pambatong guwardiya ng Perpetual Help sa NCAA na si Earl Scottie Thompson noong Linggo.
Una ay na-draft siya ng Barangay Ginebra sa PBA ngunit hindi pa siya puwedeng mag-ensayo sa Kings hangga’t di pa natatapos ang NCAA Season 91.
Bukod pa rito ay napili pa siya ng NCAA Press Corps bilang Player of the Week pagkatapos na gabayan niya ang Altas sa 86-83 na panalo kontra Jose Rizal University sa pagtatapos ng first round ng eliminations noong Martes.
“Hindi ako napunta sa favorite team ko, ngunit napunta ako sa favorite coach ko. Sobrang blessed pa rin ako. Sobrang excited kong makasama si coach Tim (Cone),” wika ni Thompson na akala niya ay mada-draft siya ng Purefoods Star. “Most of the time, triangle offense ang tinatakbo sa Perpetual kaya sa tingin ko, madali akong mag-aadjust sa sistema nila. Marami akong matututunan sa mga veterans ng Ginebra. Hindi nila ako pababayaan.”
Naniniwala si Ginebra coach Tim Cone na kapag nagsimula na si Thompson sa kanyang paglalaro sa NCAA ay makikinabang ang Kings sa talento niya.
“Down the line, we feel he (Thompson) is a special talent. He can play multiple positions. He has such uncommon abilities and he will have a huge role in the team after the NCAA. Scottie was too special to pass up,” ani Cone.
Habang wala pa si Thompson sa Ginebra ay sasabak sa ensayo ang iba pang rookies ng Kings na sina Deniece Villamor at Aljon Mariano.
(James Ty III)