PATAY na nang matagpuan ang isang presong nahaharap sa patong-patong na kaso, sa loob ng selda kahapon ng umaga sa Malabon City.
Kinilala ang biktimang si Melvin Libanan, alyas Bornok, 30, ng Phase 1B, Pabahay, Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan, nahaharap sa mga kasong tresspass to dwelling, malicious mischief at attempted homicide.
Kasalukuyang sumasailalim sa awtopsiya sa Philippine National Police (PNP) crime laboratory ang bangkay ng biktima upang mabatid kung ano ang kanyang ikinamatay.
Batay sa nakalap na ulat mula kay Senior Supt. Severino Abad, hepe ng Malabon City Police, dakong 9:45 a.m. nang matuklasang bangkay na ang biktima sa loob ng detention cell ng Station Detention Management Unit (SDMU) ng nasabing himpilan.
Ayon sa kapwa preso na si Rolando Buico, nagtataka sila kung bakit wala sa isinasagawang headcount si Libanan dahilan upang tawagin siya sa loob ng selda ngunit hindi sumasagot kaya pinuntahan ng jail officer na si PO2 RozenApostol.
Ginising ang biktima ngunit hindi kumikibo kaya humingi ng tulong sa rescue team. Sinubukang i-revive ang biktima ngunit hindi na humihinga.
Nabatid na drug dependent si Libanan kaya hinihinalang ito ang dahilan ng kanyang pagkamatay. (ROMMEL SALES)