LIMANG lalaking sangkot sa panloloob ng isang restaurant at tangkang pagholdap ng isang pampasaherong bus ang inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na pagsalakay kaugnay sa “Operation Lambat Sibat” ng Philippine National Police (PNP).
Sa ulat kay Chief Supt. Edgardo G. Tinio, QCPD Director, ang mga nadakip ay sina Joven Valeza, 32, Eric Simbulan, 29, Johnny Ricky Serrano, 32; Danreb Villarta, 38, at Bernabe Tayong, 35-anyos.
Ayon kay Supt. Dario Anasco, hepe ng QCPD La loma Police Station 1, si Valeza ay naaresto ng kanyang mga tauhan sa kanyang bahay makaraan ituro ng isang saksi na siya ang nanloob at nagnakaw ng P85,000 cash sa Tapa King sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City nitong Agosto 23, 2015, dakong 7 p.m.
Sa imbestigasyon, si Valeza ay dating empleyado ng Tapa King.
Samantala, sina Simbulan at Serrano ay nadakip ng QCPD Station 5 sa Regalado Avenue makaraan itawag sa estasyon na kahinahinala ang kanilang ikinikilos. Nang hulihin ang dalawa, nakompiskahan sila ng kalibre .38 at balisong.
Habang sina Villarta at Tayong ay naaresto sa tangkang pagholdap ng Everlasting bus nitong Agosto 22, 2015, dakong 10:40 pm, sa harapan ng National Kidney Institute sa East Avenue, Quezon City.
(ALMAR DANGUILAN)