TATLONG Chinese looking men, kabilang ang isang babaeng sangkot sa ilegal na droga, ang malubhang nasugatan makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP Task Force Tugis kahapon ng hapon sa Quezon City.
Samantala, apat na sibilyan ang nadamay, kabilang ang 9-anyos batang lalaki na nakaladkad ng sasakyang gamit ng mga suspek.
Habang isinusulat ang balitang ito, ang tatlong hindi pa nakikilalang mga salarin ang kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Capitol Medical Center sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.
Sa nasabi ring pagamutan, isinugod ang mga sibilyang nasugatan. Hindi pa masabi kung may tama ng bala ang mga nadamay ngunit ang bata ay nasagasaan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District, dakong 4:35 p.m. nang maganap ang barilan sa Roces Avenue malapit sa kanto ng Quezon Avenue, Quezon City.
Nauna rito, ayon sa mga saksi, nakita nilang pinalibutan ng mga operatiba ang isang itim na SUV sakay ang mga suspek, na nakahimpil sa harapan ng 7-11 sa nasabing lugar.
Kinakatok ng mga pulis ang SUV para pababain ang mga sakay nito ngunit pinaandar ng mga suspek ang nasabing sasakyan kaya nasagi ang iba pang nakaparada at nasagasaan ang batang nakaupo.
Nang bahagyang makalayo ang SUV, pinaputukan ng mga suspek ang mga operatiba dahilan para paputukan din sila ng mga awtoridad.
Nang buksan ang SUV, nakita ang sugatang suspek na agad dinala sa ospital. Gayondin ang nadamay na mga sibilyan.
Nakuha sa loob ng SUV ang kilo-kilong hini-hinalang shabu at mga baril.
Patuloy na inaalam ng mga operatiba ang pagkakakilanlan sa mga salarin.
(ALMAR DANGUILAN)