MAGSISIMULA ngayong umaga ang tatlong araw na Draft Combine ng Philippine Basketball Association sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong.
Halos lahat ng mga manlalarong nagpalista sa PBA Rookie Draft ay kasali sa aktibidades na ito kung saan sasabak sila sa iba’t ibang mga drills at endurance tests, kasama na rito ang push-ups, sit-ups, pagsukat at pagdetermina ng timbang.
Ngunit hindi makakasali sa Draft Combine ang inaasahang magiging top two picks sa draft na sina Moala Tautuaa at Troy Rosario dahil pareho silang nasa Estonia kung saan kasama sila sa training pool ng Gilas Pilipinas na sasali sa isang pocket tournament doon bilang paghahanda para sa FIBA Asia Championships sa Tsina sa susunod na buwan.
“In support of the national team, the PBA approved (Executive Director Sonny) Barrios’ (ng Samahang Basketbol ng Pilipinas) request asking for an authorization for the two to miss the rookie proceedings,” wika ni PBA Deputy Commissioner Rickie Santos.
Ilan sa mga draftees na kasali ngayong taong ito ay sina Garvo Lanete, Baser Amer at Art de la Cruz ng San Beda; Scottie Thompson ng Perpetual Help, Norbert Torres at Almond Vosotros ng La Salle; Chris Newsome ng Ateneo; Maverick Ahanmisi ng Cafe France at Roi Sumang ng University of the East.
Tatagal ang Draft Combine hanggang sa Agosto 21 at ang PBA Rookie Draft ay gagawin sa Linggo sa Robinsons Midtown sa Ermita, Manila.
(James Ty III)