NAGPAHAYAG ng kanyang sama ng loob ang pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na si Manny V. Pangilinan sa nangyayari ngayon sa Gilas Pilipinas na naghahanda para sa FIBA Asia Championships sa Tsina sa susunod na buwan.
Sa pamamagitan ng kanyang Twitter account, naipahayag ni Pangilinan ang kalungkutan dahil sa pag-atras ng mga manlalaro sa national pool na ititimon ngayon ni coach Tab Baldwin dahil sa iba’t ibang mga rason tulad ng pilay at pagod, bukod sa ayaw pahiramin ng San Miguel Corporation ang mga manlalaro nila sa national team dahil sa kanilang sariling interes tungkol sa negosyo.
“Sad day for Phil basketball. But thank you to the team which helped the national cause. Laban Pilipinas. Puso,” pag-tweet ni Pangilinan.
Ilan sa mga manlalarong umatras sa Gilas ay sina June Mar Fajardo, LA Tenorio, Greg Slaughter at Marcio Lassiter habang hindi pa sumisipot si Marc Pingris sa ensayo ng Gilas kahit umuwi na siya mula sa Pransya kung saan binisita niya ang ilan niyang mga kamag-anak.
Dahil sa pangyayaring ito, nagbigay ng taning si Baldwin kina Pingris hanggang sa susunod na linggo na sumipot na sa ensayo ng national team sa Meralco Gym sa Pasig
Nakatakdang umalis ang Gilas patungong Estonia upang sumabak sa training camp doon.
(James Ty III)