IBINUNYAG ng bagong komisyuner ng Philippine Basketball Association na si Andres “Chito” Narvasa na mas marami pang mga Asyano ang nais maglaro sa liga bilang imports.
Sa pagtatapos ng planning session ng PBA board of governors sa Japan noong Huwebes, sinabi ni Narvasa na maraming mga Hapones na manlalaro ang nais sumunod sa yapak ni Seiya Ando na naging Asian import ng Meralco sa huling Governors’ Cup.
Nakausap ni Narvasa ang komisyuner ng Basketball Japan League na si Toshimitsu Kawachi tungkol sa bagay na ito.
“Naging maganda (yung feedback) nung naglaro si Ando, kumalat yata,” wika ni Narvasa. “Sinasabi nila kung itutuloy natin, maraming gustong mag-apply na Japanese. Kaya tinatanong nila ang schedule natin so they can adjust. So maganda ang nangyari dun.”
Samantala, nangako rin si Narvasa na babaguhin niya ang mga patakaran ng PBA tungkol sa officiating para makabawas sa kontrobersiya, bukod sa pagiging patas sa mga player trades. (James Ty III)