DALAWANG bagong manlalaro ang sasabak sa ensayo ng Gilas Pilipinas ngayon pagkatapos na magpahinga kahapon.
Kinompirma ni Gilas coach Tab Baldwin na darating sa ensayo ng Gilas sa Meralco Gym sina Marc Pingris ng Star Hotdog at ang Fil-Tongan na si Moala Tautuaa na inaasahang magiging top pick sa PBA Rookie Draft sa Agosto 23.
“We’re gonna bring Marc Pingris on Thursday. He’s coming in to join us as part of the pool, so he will be fighting for a roster spot. We’re also gonna bring in Moala,” wika ni Baldwin.
Kagagaling lang si Pingris mula sa Pransya kung saan binisita niya ang ilang mga kamag-anak habang si Tautuaa naman ay gagawing practice player.
Idinagdag ni Baldwin na balak ng Gilas na gawing naturalized player si Tautuaa sa mga susunod pang torneo ng FIBA Asia.
“Obviously, he can’t play in the roster if Andray (Blatche) is playing, but if something happened to Andray, that’s the direction we would like to go in now with Mo,” ani Baldwin.
“We’ve spoken to his people and he’s keen on the idea of being part of the Gilas’ future and it’s very exciting for him.”
Sa ngayon ay apektado ang Gilas ng ilang mga manlalaro na napilay o may sakit tulad nina Dondon Hontiveros, Ranidel de Ocampo, Kelly Williams at Andray Blatche na parehong napilay habang nagkasakit si Terrence Romeo.
Dahil sa mga problema ngayon sa Gilas, inaasahang mag-uusap ang PBA at ang Samahang Basketbol ng Pilipinas tungkol sa mga paraan kung paano babaguhin ang sistema ng pagpapahiram ng mga manlalaro ng liga para sa mga internasyunal na torneo.
“We want a long term formula for the constitution, formation and supervision of the national team,” ayon kay PBA president at CEO na si Chito Salud. “We want crystal clear terms of engagement, which all stakeholders could agree to.”
(James Ty III)