INAMIN ng pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Manny V. Pangilinan na isang miyembro ng FIBA Central Board ang nagbunyag tungkol sa problema ng Gilas Pilipinas tungkol sa mga manlalarong ipahihiram ng Philippine Basketball Association sa pambansang koponan.
Ito, ayon kay Pangilinan, ang isa sa mga dahilan kung bakit natalo ang Pilipinas kontra sa Tsina sa karapatang maging punong abala ng FIBA World Cup sa taong 2019.
“One board member from the US asked if the Philippines can send a competitive team to the 2019 FIBA World Cup,” wika ni Pangilinan sa programang Reaksyon ng TV5 noong Martes ng gabi.
Nahirapan si Gilas coach Tab Baldwin na makuha ang mga manlalarong nais niyang isama sa Gilas dahil sa tingin ng marami ay hindi pinapayagan sila ng mga mother teams ng PBA dulot ng corporate rivalry ng grupo nina Pangilinan at ang San Miguel Corporation ni Ramon S. Ang.
“Alam nila ang nangyayari,” ani Pangilinan. “Yung Russia (federation) nga sinuspend for the same reasons.”
Sa nasabi ring panayam, inamin din ni Pangilinan na mas abante ang Tsina sa mga venues para sa World Cup at sa transportasyon di tulad sa Pilipinas na halos araw-araw ay matindi ang trapik at madalas ay nadidiskaril ang MRT at LRT.
Bukod pa rito ay mas mataas ang alok ng Tsina na mas mataas na 14 milyong euros na unang inalok ng Pilipinas.
Naunang sinabi ni dating Senador Freddie Webb na umabot sa 30 milyong euros ang alok ng Tsina para sa World Cup na kinagat nga ng FIBA Central Board. (James Ty III)